Advertisers
NATAGPUANG bangkay ang napaulat na nawawalang school principal mula sa Santo Tomas, Isabela sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Helen Rolan, 53-anyos, may asawa at residente ng Barangay Barumbong.
Una rito, nagpaalam ang biktima sa kanyang anak at asawa na magwi-withdraw ito ng pera sakay ng kanyang kotse ngunit 7:00 ng gabi ay hindi na matawagan ang principal kaya’t kinabukasan, Enero 28, ay ipinagbigay-alam ng kapatid sa himpilan ng pulisya ang pagkawala nito.
Ayon kay Major Rufo Figarola Jr., hepe ng Santo Tomas Police Station, hindi nila isinasantabi o kinukumpirma na posibleng ‘suicide’ incident ang nangyari sa biktima nang matagpuan ang kanyang bangkay sa ilog na sakop ng Enrile.
Nabatid na nagtangka narin magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pag-inom ng kemikal ngunit naagapan at nailigtas ito.
Binigyang diin rin ni Figarola na walang anumang indikasyon na may foul play sa pagkamatay ng biktima.
Aniya, ang sinasabing pera na na-withdraw ng biktima at kanyang ATM card ay iniabot nito sa kanilang kapitbahay upang ibigay sa kanyang anak.
Patuloy parin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Naiuwi na ang labi ng biktima sa kanyang tahanan..(Rey Velasco)