Advertisers
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdiriwang ng ika-100 kaarawan ni Chief Presidential Legal Counsel, Secretary Juan Valentin Ponce Enrile o mas kilala bilang JPE.
Sa kanyang talumpati sa event na ginanap sa Malakanyang, pinuri ng Pangulo ang mga ambag ni Enrile sa pag-unlad ng Pilipinas.
Ayon kay Pang. Marcos, espesyal ang pagdiriwang ng kaarawan ni JPE ngayon dahil bihirang makamit ang 100 taon na puno ng tagumpay, serbisyo, at dedikasyon.
Kasabay nito, kinumpirma ni PBBM na ang presensya ni Enrile ay nagbibigay sa kanya ng kapayapaan sa pagtulog, at ikinatuwa niya ang pagkakakilala niya rito.
Sinabi ni Pang. Marcos na bago pa man siya naging presidente, humihingi na siya ng payo kay JPE.
Sa kanyang panig, nagpasalamat naman si Enrile kina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos sa pagkakataon na magsilbi sa ilalim ng administrasyon nito.
Para kay JPE, ang kanyang panahon sa pamamahala ni Marcos Sr. ang isa sa pinakamasayang bahagi ng kanyang buhay, kasunod ang paglilingkod sa anak nitong si Pang. Bongbong.
Bilang pagkilala, binigyan ni Marcos si Enrile ng Presidential Letter of Felicitation. (Gilbert Perdez)