Advertisers
NASAWI ang 80-anyos na lola at higit 50 ang sugatan sa gumuhong bahagi ng ikalawang palapag ng Parokya ni San Pedro Apostol sa Barangay Tungkong Mangga, San Jose Del Monte City, Bulacan nitong Miyerkoles ng umaga.
Kinumpirma ni SJDM Mayor Arthur Robes na isang nagngangalang Luneta Morales ang nasawi sa trahedya habang 52 ang nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan na ginagamot na sa ospital.
Sa inisyal na report ni Gina Ayson, ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), gumuho ang kanang bahagi ng simbahan, at matinding napuruhan ng pagbagsak ng mga kahoy si Luneta.
Nabatid na nasa kasagsagan ng misa at pagpapahid ng abo, ash Wednesday, nang bumagsak ang maliit na bahagi sa ikalawang palapag ng lumang simbahan na yari sa kahoy.
Agad dinala sa limang pagamutan ang mga deboto na nagtamo ng minor injuries, na pinauwi rin kalaunan.
Samantala, inihayag ng Engineering Department ng CSJDM na hindi na muna gagamitin ang simbahan sa iba pang aktibidad, base narin sa direktiba ni Mayor Robes, kasunod nito’y bibigyan ng tulong pinansyal ang mga nasugatan sa insidente.(Thony D. Arcenal)