Advertisers

Advertisers

POLITIKO, PULIS SILIP SA P13.3-B SHABU!

0 17

Advertisers

PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung mayroong mga politiko o pulis na sangkot sa nasabat na P13.3 billion halaga ng shabu sa Barangay Pinagkrusan, Alitagtag, Batangas nung Lunes, Abril 15, 2024.

Personal na nagtungo sa lugar ang Pangulo nitong Martes ng umaga at ininspeksyon ang bulto-bultong shabu na aniya’y pinakamalaking huli sa kasalukuyan ng mga awtoridad na umabot sa 1.8 tonelada.

Nais ng Presidente na matukoy kung sino ang nasa likod ng malaking huli. Kaya ipinauubaya niya sa Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement at iba pang ahensya ang pag-iimbestiga.

“Kahit sino man ang kasabwat dito sa drug trade, kahit powerful politician, police or kung sino man ay talagang pinaiimbestigahan natin,” saad ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na nasuri na ang nasamsam na shabu at lumitaw na napakataas ang kalidad nito.
Inaalam na, aniya, ng mga awtoridad kung saan nanggaling, saan idinaan at saan isinakay at kung sino ang mga nasa likod ng pagpupuslit sa shipment ng iligal na droga.

May hinala ang Pangulo na galing sa ibang bansa ang nasamsam shabu at sa Pilipinas lamang idinaan, kaya interesado siyang malaman kung sino ang mga kasabwat ng sindikato sa bansa.

Ipinagpasalamat ng Pangulo na walang nagbuwis ng buhay sa pinakamalaking huling ito ng shabu sa bansa.

“We would like also to point out that this is the biggest shipment of shabu na nahuli natin but not one pwrson died. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t in-operate natin na dahan-dahan yun naman dapat ang approach sa drug war,” dagdag ng Pangulo.

Sa nakaraang administrasyon, ang giyera kontra droga ay nagbuwis ng mahigit 6,000 pero sa datus ng human rights groups ay mahigit 30,000 ang biktima.