Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA pamamagitan ng kanyang vlog na Showbiz Update kasama sina Mama Loi at Dyosa Pockoh, nagbigay na ng reaksyon si Ogie Diaz tungkol sa pag-like at pag-repost ng dati niyang alaga na si Liza Soberano sa demanda ni Bea Alonzo sa kanya kasama si Cristy Fermin.
Sa una ay ayaw sagutin ni Ogie ang isyu na sangkot si Liza, dahil hanggang sa huling sandali ay gusto niyang alagaan ang pangalan nito. Pero napilit din siya ni Mama Loi na kailangan niya itong sagutin.
“Okay nakita ko nga ‘yun marami ring nag-send sa ‘kin ng screenshots ng pag-repost ni Liza Soberano, sa akin walang problema ‘yun!” sabi ni Ogie.
“Okay lang, karapatan niya ‘yun, eh. Twitter account niya ‘yun eh, or X account niya ‘yun, okay lang karapatan niya ‘yun.”
Sa tanong kung galit siya kay Liza, ang sagot ni Ogie, “Hindi ah!”
Paliwanag ni Mama Loi na kapag ni-repost ito ay ibig sabihin sinu-support ito ng taong nag-repost kaya ang tanong kay Ogie ay kung naniniwala siyang suportado ni Liza si Bea kaya niya ito ni-repost?
“E, kayo na ang sumagot comment down below. Kahit dito kapag may maling comment about Liza, kinokorek namin.
“As far as kung gaano ko kakilala si Liza ‘yun ang puwede kong ikuwento pagkatapos nu’ng sa akin hindi ko na alam kung ano ‘yung attitude niya o behaviour niya nu’ng wala na sa akin. Kaya diskarte na niya ‘yun sa buhay niya,” katwiran pa ni Ogie.
“Nu’ng ni-repost niya (sabay iling). Ang tanda-tanda ko na rito (showbiz) kung magtatampo pa ba ko sa ganyan, parang baguhan lang ako?
“Basta alam ni Liza kung ano ang truth sa amin. Kapag may maling nasabi si Liza, kinu-correct ko lang doon lang ako nagko-concentrate sa mali hindi na ako nagpapaka-dig deeper pa. Doon lang ako magpo-focus pag mali.
“Hindi naman ako nagtatampo. Hindi ko alam kung siya nagtatampo sa ’kin or galit whatever. Kasi naghiwalay kami nang maayos.
“Basta ako sa totoo lang anuman ang tahakin ni Liza ay pinagdarasal ko na sana ‘yung kanyang mga pangarap sa buhay, ‘yung kanyang goals ngayon na sumikat (at) makilala sa Hollywood sana matupad niya,” aniya pa.
***
HARVEY BAUTISTA NAG-AADJUST PA SA MGA KASAMA SA ‘HIGH STREET’
NAGBABALIK ang mga bida ng Senior High na pinagbibidahan ni Andrea Brillantes para sa season 2 ng serye nilang High Street.
Bukod sa mga nagbabalik na karakter, kabilang na rin sa High Street sina Dimples Romana, Romnick Sarmenta, AC Bonifacio, Ralph De Leon at Harvey Baustista, ang gwapong anak nina dating QC Mayor Herbert Bautista at Ma’m Tates Gana.
Sa High Street ay gumaganap si Harvey bilang si Wesley, ang camera man ni Sky (Andrea).
“Si Wesley kasi ano siya..madiskarte siya. ‘Yun ‘yung I think, maitutulong niya sa team ni Sky.
“Nakahanap siya ng paraan para matapos ‘yung story. Determined siya. I think yun’ yung similarity..,” kwento ni Harvey tungkol sa kanyang role na hindi niya natapos ang sasabihin dahil pinutol na ito ng host ng media con na si EJ Salut para hindi maging spoiler ng kanyang role si Harvey.
Sa tanong kay Harvey kung kamusta ang first taping niya para sa High Street, ang sagot niya,”Masaya siyempre, may konting adjustment pa rin sa akin. Kumbaga, nakikihabol pa lang sa mga convos nila. But it’s been fun so far.”
Hindi first time na nakatrabaho ni Harvey si Andrea. Nakatrabaho niya na ang ex ni Ricci Rivero before sa seryeng Hawak Kamay, na pinagbidahan ni Piolo Pascual. Kasama rin dito sina Zaijan Jaranilla at Xyriel Manabat. Kaya maituturing niya raw na nostalgic para sa kanya na muling makatrabaho ang tatlo.
Ang High Street ay mula sa direksyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano. Huwag palampasin ang premiere ng High Street ngayong Mayo 13 (Lunes) ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “High Street.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.