Advertisers
NAGTAPOS ang dalawang araw na paghahanap ng isang ama sa 11-anyos na anak nang matagpuan ito na nasa kalunos-lunos na kalagayan sa isang masukal na lugar sa General Trias City sa Cavite noong Lunes.
Bahagya nang naaagnas, nakaangat ang pang-itaas na damit habang nakababa naman ang pang-ibabang short ng biktimang kinilalang si Rheamae Betonio Moreño, 11, nakatira sa Brgy. Sta. Clara nasabing lungsod.
Sa ulat, 11:00 ng umaga nang matagpuan ni Oscar Bovadilla ang katawan ng bata habang nangunguha ng labong sa masukal na bahagi sa naturang barangay.
Ayon naman sa ama ng bata, Linggo ng 9:00 ng gabi nang huli niyang makita ang anak nang puntahan siya nito sa terminal ng tricycle dahil namamasada siya sa nasabing lugar, at humingi pa ng pera sa kanya. Bandang 10:00 ng gabi nang umuwi siya ng bahay pero hindi pa umuuwi ang anak, kaya hinanap niya ito pero hindi natagpuan kaya nang umabot na kinabukasan na hindi umuuwi humingi na ito ng tulong sa mga pulis.
Naniniwala ang pulisya na ginahasa muna bago tuluyang pinatay ang biktima pero isasailalim pa ang katawan nito sa post mortem examination upang makumpirma nila ito.
Dagdag pa ng mga pulis, kilala na umano nila ang suspek sa krimen pero pansamantalang hindi muna pinangalanan upang hindi makagambala sa follow up operation na ginagawa ng mga awtoridad. (IRINE GASCON)