Advertisers
NASA 27 gusali na ang napasok ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng limang araw nang pagpapatupad ng search warrant sa “scam farm” sa Porac, Pampanga.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP-Public Infomation Office chief Colonel Jean Fajardo na dalawang gusali ang pinasok ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang unit ng pulisya sa ilalim ng superbisyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Target ng mga awtoridad na mapasok ang 46 gusali sa Lucky 99 sa Porac, Pampanga sa loob ng 10 araw.
Bukod sa sari-saring gadget, 4 sets ng Chinese military uniform, nadiskubre rin sa isang gusali rito ang isang winter uniform na ginagamit ng Chinese military, Chinese flag at safety bolts sa ilang kuwarto.
Ayon kay Fajardo, kinukumpirma pa nila kung ang mga nakitang uniform ang orihinal na sinusuot ng Chinese military.
Nauna nang bumulaga sa mga awtoridad ang ilang kuwarto na ginagamit umanong torture room batay narin sa mga bakas ng dugo sa sahig gayundin ang mga baseball bat at ilan pang gamit na indikasyon na may nangyayaring physical violence sa lugar.
Buking din ng mga awtoridad ang isang entertainment area sa loob ng scam hub.
Sa report, batay narin sa lumabas na mga larawan makikita ang isa sa mga kuwarto ng KTV club na may TV, speaker, mga sofa at square tools.
Iba’t-iba ring mga panibagong gamit ang nadiskubre ng mga awtoridad matapos ang ikalimang araw ng paghahalughog sa Lucky South 99 compound.
Sa building 3 sa loob ng compound, nasamsam ang system monitors kungsaan kita ang halos kabuuan ng pasilidad.
Nakakuha rin muli ng computers at computer parts, cellphones, sim cards, at mga torture devices.
Habang nasa 1st floor ng building 36, nakakuha ng tatlong live CCTV.
Noong Lunes, unang pinasok ang building 11 at bumulaga sa 3rd floor ang apat na pares ng mga uniporme ng militar ng China, dalawang pares ng combat shoes, at anim na safety vault.
Target ng awtoridad na mapasok lahat ng 46 gusali sa nasabing scam hub sa Pampanga sa loob ng 10 araw, ayon Col. Fajardo.