Advertisers
KINUMPIRMA ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Atty. Mico Clavano na naglabas na ng ‘Immigration Look Out Bulletin’ (ILBO) ang justice department sa pamamagitan ng Bureau of Immigration (BI) laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque at 11 iba pa na may kaugnayan sa pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Clavano, kabilang sa inisyuhan ng look out bulletin sina Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Porac POGO hub; dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, bukod sa iba pa.
Ipinaliwanag ni Clavano na ang look out bulletin ay upang manmanan lamang ang respondents sa kanilang inbound at outbound travel.
Ayon kay Clavano, ang look out bulletin ay walang paghihigpit sa karapatan nilang mag-travel kundi upang matimbrehan lang ang DOJ o Immigration kung lumabas o pumasok sila sa bansa.
Sinabi ni Clavano na inilagay ang 12 indibidwal sa look out dahil sa on going investigation, kungsaan kapag may impormasyon ang mga awtoridad na may ‘flight risk’, sila ay kadalasang maglalabas ng look out bulletin.
Ito ay kasunod narin ng ulat na nakalabas na ng bansa si Cassandra Li Ong, na ayon kay Clavano noong panahon na ‘yun ay wala pang ILBO, dahilan para mag-isyu na laban sa iba pang iniimbestigahan pa.(Jocelyn Domenden)