Arestado ang 21-anyos, na kinilalang high-value target sa drug trafficking sa isang buy-bust operation sa Taytay, Rizal nitong Lunes, Oktubre 28.
Sa ulat, tinatayang nasa P952,000 shabu ang nakumpiska sa suspek.
Pinangalanan ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang suspek na si “Jayson.” Naganap ang pag-aresto sa kanya sa isinagawang operasyon ng Rizal Police sa Barangay Dolores 12:27 ng madaling araw.
Sa pag-aresto, nasamsam ng mga alagad ng batas ang siyam na pakete ng shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang 140 gramo, kasama ang iba’t-ibang drug paraphernalia.
Iniulat ng Rizal PPO na ang mga nakalap na ebidensya, naipasa na sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Rizal Police ang suspek, at inihahanda na laban sa kanya ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165, na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa mga source ng pulisya.