Advertisers
Nananawagan ang ‘Gaming Advocates for Meaningful and Ethical Reforms Coalition, Inc. or GAMERS Coalition,’ sa mga kasapi nito at mga mamamayan na magkaisa at suportahan ang mga makabuluhang inisyatibong reporma bilang tugon sa mga suliraning kaugnay sa ‘electronic gaming industry’ na sumasailalim ngayon sa masusing pagsusuri.
Ang ‘Gamers Coalition’ ay grupo ng mga kasapi sa naturang industriya na “nagsusulong ng akma, makatwiran, moral at mabisang mga reporma” sa ‘electronic gaming industry.’ Sa isang pahayag ni Jay Carizo, na namumuno nito, sinabi niya na ang ‘GAMERS Coalition’ ay “kumakatig sa mga reporma, lalo na sa panukalang repormang batas, na nakabatay sa tama, ‘scientific’ at makabuluhang pagkilala sa totoo, at hindi isinasa-isang tabi ang katutuhanang ang tunay na kalaban ay ang ILEGAL NA SUGAL.”
Nitong nakaraang Martes, nagbabala ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) na ang higit na mahusay na ‘legal framework’ ng reporma ay hindi ang pagbura sa industriya, kundi ang mga hakbang na magtatama sa mga mali nito, na sa dulo ay siyang magpapatunay sa tagumpay at mahalagang silbi ng industriya.
Sa gitna ng mga panawagang burahin na ang ‘internet gaming,’ sinabi ni PAGCOR chairman Alejandro na ang higit na akma at mabisang remedyo sa mga suliraning kaugnay sa ‘internet gaming’ ay ang mga makatwirang hakbang na tutugon sa mga problema, at hindi ang pagbura sa buong indudtriya, kasama ang mga sektor nito na napatunayan nang produktibo at may silbi.
Binigyang diin ni Tengco na “bagama’t kailangan ang higit na mahusay na mga harang sa ilang sektor ng industriya, hindi naman dapat ang sobra at burahin ang kabuuan nito.”
Ayon kay Carizo na isang espesiyalista sa mga panuntunan ng industriya, “naniniwala ang ‘GAMERS Coalition’ na ang ‘gaming’ ay maaaring pagmulan ng mga ‘innovation,’ trabaho at positibong pagsulong ng pamayanan kung ito’y nakaugat sa integridad, ‘transparency, and accountability’ o pananagutan.”
“Naiiba ang karakter ng industriya ng sugal at kapag sobra itong hinigpitan, nagiging ‘underground’ ito at umuusbong ang maraming ilegal na sugal gaya ng nangyari kamakailan sa Netherlands,” paliwanag ni Carizo mula sa isang report.
Sa Netherlands, pinatawan ng pamahalaan ng mababang hangganan ang buwanang ‘deposit limits’ ng ‘online gaming’ upang diumano’y bigyang proteksiyon ang mga nagsusugal, ngunit sa halip na matugunan ang problema, naging ‘underground’ ang mga ito.
Sa ngayon, maraming mga sugarol na ang nagtatago sa mga ilegal at hindi nasusubaybayang mga ‘online gambling platforms,’ isang kaganapang naglalagay sa kanila sa banta ng kapahamakan at nagsusulong sa paglipana ng mga ilegal na sugal. Dahil dito, higit na mainam at mabisa diumano ang ‘regulated and responsible gaming’ kung saan higit na ligtas sa panganib ang mga sugarol at bayan.
“Huwag nating kalimutan na kaya ginawang legal ang ‘online gaming, ay upang mabawasan ang ilegal na sugal at hindi ang kabaligtaran,” ayon sa pahayag. Sa ngayon, ilang panukalang batas na ang naihain sa Kongreso laban sa ‘online gaming’ at mga kasino, ngunit hindi nagkakaisa ang mga mambabatas kung paano akmang tutugunan ang problema. Ang ilan ay nagsusulong ng mga regulasiyong reporma at ang ilan naman ay nagnanais na burahin ang buong indudtriya.
Isinusulong ng ilan, kasama sina Senador Alan Peter Cayetano, JV Ejercito at Win Gatchalian na ang pamilya ay nagmamay-ari ng Waterfront Hotel and Casino, at ang Akbayan Partylist ng ‘regulated gaming,’ samantalang sina Senador Migs Zubiri at Lanao del Sur Rep. Zia Adiong naman, ang nais ay burahin ang kabuuan nito.
Batay sa mga kaganapang ito, muling nananawagan ang Coalition sa mga kasapi nito na dapat silang magkaisa at suportahan ang ‘regulated gaming’ kaysa sobrang higpitan ito. “Noong Mayo 2025, 52.5% ng kita bg PAGCOR au mula sa Electronic Gaming, na sumusuporta sa ‘nation-building, universal healthcare, and the real estate industry,’ bukod sa iba pa,” ayon sa pahayag. Noong 2024, umabot sa P410.5 bilyon ang kita ng PAGCOR, katumbas ng 1.5% ng buong Gross Domestic Product ng bansa.
Sinusuportahan din ng GAMERS Coalition ang iba pang mga ‘responsible gaming initiatives,’ kasama ang pormal na pagsasanay ng mga ‘Responsible Gaming Ambassadors,’ pag-update sa mga ‘responsible gaming slogans,’ paggawa ng mga bagong ‘ad templates’ at pagtatalaga ng ‘24/7 help lines’ kung saan maaaring humingi ng tulong ang mga nagiging ‘addict’ sa ‘online gambling.’
Kaisa din ang GAMERS Coalition sa paninindigan ng maraming ‘gaming industry experts’ gaya ni Atty. Tonet Quiogue na naniniwalang ang pagbura sa kabuuan ng ‘online gaming sector’ ay hindi ang tamang hakbang kaugnay sa ‘gaming industry’ ng bansa.
Pinuna ni Quiogue na ang mga ilegal na sugal ay “walang sinusunod na batas, hindi nagbabayad ng buwis, at walang proteksiyon sa mga nagsusugal, at kung ang layunin ng ilang mambabatas ay lusawin ang mga problemang dulot ng sugal, ang tunay na makabuluhang solusiyon ay ang burahin ang mga ilegal na sugal at hindi ang mga lihitimo, at legal na mga nangangasiwa nito.”