Advertisers
MULING hinatulan ng Sandiganbayan Special Third Division si Janet Lim Napoles ng ‘reclusion perpe-tua’—na maaaring umabot ng hanggang 40 taon sa bawat kaso—para sa dalawa bilang ng ‘malversation of public funds’ na may kaugnayan sa maling paggamit ng PDAF ng yumaong dating Benguet congressman Samuel Dangwa.
Sa 165-pahinang desisyon na inilabas noong Nobyembre 21, napatunayang nagkasala si Napoles at ilang iba pa sa paggamit ng kabuuang P19 milyon mula sa PDAF ni Dangwa.
Ayon sa batas, kapag higit P8.8 milyon ang sangkot na pera, maaaring patawan ng reclusion perpetua ang sinumang sangkot sa malversation.
Tinanggal ang mga kaso laban kay Dangwa at tatlo pang akusado dahil sila ay yumao na, ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ronald Moreno.
Sa kasong may kinalaman sa P10 milyon, nahatulan ding ‘guilty’ sina Dennis Cunanan, dating deputy director ng TRC; at Mylene Encarnacion, presidente ng CARED Foundation.
Pinatawan si Cunanan ng habambuhay na diskwali-pikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko.
Inutusan din silang ibalik sa gobyerno ang P10 milyon sa pamamagitan ng Bureau of the Treasury (BTr),
kasama ang 6% interes kada taon mula sa petsa ng finality ng desisyon hanggang sa mabayaran ng buo.
Para naman sa kasong may kinalaman sa P9 milyon, hinatulan ng Sandiganbayan sina Napoles; at Gondelina Amata, dating presidente ng NLDC.
Pareho silang pinatawan ng reclusion perpetua, habambuhay na diskwalipikasyon (para kay Amata).
Inutusan din silang ibalik ang P9 milyon sa BTr na may 6% interes kada taon.
Sa iba pang kaso ng malversation na kinasasangkutan ni Napoles at iba pang akusado, ilan ay pinatawan ng reclusion temporal (hanggang 20 taon), at prisión mayor (hanggang 12 taon).
May mga akusado ring napawalang-sala dahil hindi napatunayan nang lampas sa makatwirang duda ang kanilang pagkakasala.
Matatandaang 2018, nahatulan narin si Napoles ng reclusion perpetua sa kasong plunder.