Advertisers
Ni Anne Venancio
Humingi ng paumanhin si Pokwang sa pamamagitan ng isang video matapos masangkot ang kanyang kapatid sa isang viral na alitan sa kalsada sa Antipolo City, kung saan binatukan ang isang lalaking nagtutulak ng kariton na may kasamang batang babae.
Balitang sumayad ang kariton ng lalaki sa isang puting pickup sa Brgy. San Roque Tulay.
Sa naturang video na in-upload ni Pokwang sa social media, inamin nito na kapatid nga niya ang nasa viral video at humingi ito ng paumanhin sa mag-ama at sa publiko dahil sa naging asal ng kanyang kapatid.
“Paalala lang po, ang kasalanan po ni Pedro, ay hindi po pwedeng kasalanan ni Juan. Maaari pong iisa kami ng apelyido pero hindi po kami lagi pareho ng pag-iisip at ng mga gawain araw-araw,” ani Pokwang.
Dagdag pa niya, “Ako po ay humingi ng dispensa doon po sa kanyang nakaalitan, lalong lalo na po doon sa anak na babae pasensya ka na iha, dadalawin kita ha. Wait lang ha pupunta ang Tita Pokwang mo diyan. Pasensya ka na.”
“Hindi po ako natutuwa, at hindi ko dapat kampihan yung nangyari po doon sa kapatid ko. Hindi naman din po ako, siyempre nanay din naman po ako,” dagdag pa ng komedyante.
Pinuna naman ni Pokwang ang ilang netizen at personalidad na umano’y lumagpas na sa isyu matapos ipost ang mga mukha ng kanyang mga kamag-anak na nadamay sa insidente.
“Paalala ko lang din po, doon sa mga nagpost pa ng paulit-ulit ng mukha nung pamilya ko may tinatawag po tayong cyber bullying at cyber libel,” aniya.
Nagbigay rin siya ng babala sa ilang pulitikong umano’y nakisawsaw sa isyu.
“Doon po sa ibang politiko na nakisakay po at hindi naman taga-Antipolo, nakakaloka. Nag-post pa kayo, sir, alam nyo na kung sino kayo. Alam ko taga-Bicol kayo. Ingat po kayo, kasi mambabatas pa naman kayo so alam nyo dapat na yung tinatawag na cyberbulling, cyberlibel. Okay, pinost po ninyo yung mukha ng buong pamilya ko. Isa lang po ang may kasalanan, kapatid ko, pero nasaan po yung privacy yung protection po ng pamilya ko.”
“Hindi po ako kumakampi sa kapatid ko pero sana nag-iingat po kayo sa mga posts ninyo, mga comments ninyo,” dagdag pa niya.
Samantala, inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver na sangkot sa viral video at naglabas ng show cause order laban dito.