Advertisers
Biyahe ng mga barko sa MIMAROPA, mas mapapabilis at gagawing world-class na magkokonekta sa apat na malalaking lalawigan sa Rehiyon 4-B, plantsado na.
Selyado na ang plano para sa mas pinatinding konektibidad sa karagatan ng Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan o MIMAROPA ang tinaguriang “Diamond Route.”
Ito ay matapos ang naging produktibong pagpupulong nina Marinduque Governor Mel Go, na tumatayong Chairman on Infrastructure ng Regional Development Council (RDC) at Senate Majority Leader Migz Zubiri.
Ayon kay Gov. Go, hindi lang basta transportasyon ang layunin nito kundi ang pagdadala ng mga moderno at world-class na mga sasakyang pandagat na kayang makipagsabayan kahit sa malalakas na alon.
Naniniwala ang opisyal na oras na maisakatuparan ito, sasabog ang potensyal ng turismo at komersyo sa buong rehiyon. Sa katunayan, ilang dambuhalang shipping lines na ang nagpakita ng interes na sumali sa proyektong ito sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Senator Migz Zubiri, na nangakong tutulong sa pag-pondo at pagpapaunlad ng imprastraktura at agrikultura sa MIMAROPA.
Inimbitahan din ng Senador ang gobernador sa Senado sa darating na January 26 para sa pormal na pagbubukas ng sesyon.
Sa mensahe ni Gov. Go, kailangan aniya ang ganitong programa para sa ikabubuti ng mga Pilipino at hindi lang para sa pag-unlad ng iisang probinsya. (RONALD BULA)