Advertisers

Advertisers

‘Walang lugar na gumawa ng krimen sa Maynila’ – Isko

Top 1 most wanted, nakalawit na!

0 51

Advertisers

Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes ng hapon, Enero 13, ang pagkaaresto ng Top 1 Most Wanted Person ng Lungsod ng Maynila, isang suspek sa kasong pagpatay na may kaugnayan sa pamamaslang sa isang estudyante ng kriminolohiya sa Tondo noong Oktubre 2023.

Ayon kay Domagoso, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang suspek na kinilalang si Prince Ethan Cruz, alinsunod sa umiiral na warrant of arrest para sa kasong murder, matapos ang masusing manhunt na isinagawa ng district intelligence at tracker teams.

Sa isang livestream mula sa Manila City Hall, muling iginiit ng alkalde ang mahigpit na paninindigan ng kanyang administrasyon laban sa kriminalidad, at nagbabala na walang kriminal ang makakatakas sa batas, gaano man katagal ang abutin ng paghahanap.



“Gusto ko pong ipaalam sa ating mga kababayan sa lungsod na ’yung Top 1 Most Wanted ng City of Manila at ng Manila Police District, nakalawit na po, nadala na po ng Manila Police District,” pahayag ni Domagoso

“Kapag ginawa ninyo ang krimen sa Maynila, hahabulin namin kayo, gaano man katagal o kabilis, hanggang mahuli kayo. Wala kayong lugar sa bansang ito kapag gumawa kayo ng krimen sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya.



Sinabi ng alkalde na si Cruz ay itinuturing na Top 1 Most Wanted kaugnay ng krimeng naganap noong Oktubre 2023, kung saan ang biktima ay residente ng Tondo, Distrito 2, Maynila.

Pinuri rin ni Domagoso ang MPD sa matagumpay na operasyon na isinagawa nang walang nasawi, at binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina, propesyonalismo, at pagsunod sa due process sa pagpapatupad ng batas



“Ikinagagalak ko ang disiplina ng ating Manila Police District na makuha ang mga suspek nang buhay at maiharap sila sa mata ng batas at hustisya,” wika ni Isko.

Tiniyak din ni Domagoso sa pamilya ng biktima na patuloy na kikilos ang pamahalaang lungsod at ang MPD upang makamit ang katarungan. Gayundin, tiniyak niya sa mga Manileño na mananatiling matatag ang pamahalaan sa pagprotekta sa mamamayan at sa pananagutin ang mga kriminal.

“Pumanatag kayo, mga Batang Maynila. Hangga’t nandito tayo, lahat ng mga naaapi at nabibiktima ay gagawin natin ang ating makakaya, katuwang ang Manila Police District, upang matiyak na ang bawat kriminal ay mapapanagot at ang hustisya ay mananaig,” ani Domagoso. (BP)