Advertisers
Ni Anne Venancio
Malaking factor para kina Katrina Halili at Kris Lawrence ang kanilang anak na si Katie kaya muling naayos ang kanilang komunikasyon at ngayon ay magkasama nilang ginagampanan ang responsibilidad bilang magulang.
Sa panayam sa Fast Talk with Boy Abunda noong Abril 24, inamin ng dating mag-partner na maayos na ang kanilang co-parenting setup para sa kanilang anak.
Ayon kay Katrina, malaki ang naging personal realization niya bilang isang ina, lalo na sa mga panahong mas nabibigyan niya ng prayoridad ang trabaho.
“Nabanggit ko rin before na last year, ang dami kong realization na minsan magso-sorry ako kay Katie na ang dami kong pagkukulang sa kanya kasi lagi kong inuuna ang trabaho,” ani Katrina.
Ibinahagi rin ng aktres na dumating siya sa puntong naging sobrang sensitibo siya at natakot na mawalan ng sapat na oras para sa anak. “Ang importante sa akin, may iba pang mag-aalaga at magmamahal kay Katie,” dagdag niya.
Samantala, inamin ni Kris na dumaan sila sa hindi magandang relasyon noong nakaraang taon.
“She gave me the hardest year ever. We were not in good terms last year,” pag-amin ng singer.
Ayon pa kay Kris, ang imbitasyon ni Katrina sa kanyang birthday ang naging mahalagang turning point para sa kanilang pagkakaayos.
“I just realized, it’s your birthday, I’m gonna show up. I feel like my presence at her birthday is when everything changed,” aniya.
Nilinaw naman ng dalawa na hindi sila naghiwalay na may matinding samaan ng loob.
“Hindi kami naghiwalay na may galit. We just had to grow as individuals,” giit pa ni Kris.
Sa ngayon, mas maayos na ang kanilang relasyon bilang magulang, na nakasentro sa pagmamahal at kapakanan ng kanilang anak na si Katie.