Advertisers
IPINAGTANGGOL ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nadadamay sa isyu ng pagtaas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Giit ni Gatchalian, “fake news” ang pahayag na 4Ps ang dahilan ng mataas na bill noong Abril.
“Hindi 4Ps ang rason kung bakit lumaki ang pagsingil noong April. Yung bill shock na yun nanggaling sa sarili nilang generation. Tumaas ang generation expense nila,” ani Gatchalian.
Paliwanag pa niya, maliit lamang ang konsumo ng kuryente ng 4Ps households kumpara sa mga residential at commercial users.
“Napakaliit lang ng kinukonsumo ng 4Ps. ‘Pag sinuma-total mo lahat, ang average niyan, wala pang kalahati ng sentimo ang napupunta sa lifeline rate, P0.40 centavors. Ibig sabihin wala pang kalahati sa isang sentimo… Kasi nga ang 4Ps halos wala namang appliances sa bahay… To the most isang electric fan at ilang bumbilya. So hindi sila ang rason kung bakit sumipa ng ganun kalaki,” dagdag niya.
Batay sa datos, nasa 135,411 lamang na 4Ps households ang kasali sa Lifeline Rate Subsidy Program, kumpara sa 8.11 milyong customers ng Meralco na binubuo ng residential, business, at industrial users.
Sa usapin naman ng panukalang pagrebisa sa Expanded Lifeline Rate Law, bukas ang DSWD sa pagbabago basta’t hindi ipapasa sa consumers ang dagdag gastos.
“Sang-ayon kami doon sa panukala, maliit lang ito dapat i-absorb na ng Meralco. At sana, kapag tinawag na kami, tatawagin kami sa Senado para i-revisit ang panukalang iyan, ako ang sasabihin ko, biro mo, sa laki ng kanilang sinisingil, dapat sana sila mag-absorb nito. Parang CSR na nila, yung corporate social responsibility na nila,” diin ni Gatchalian