Advertisers
NAGKABASAG-BASAG ang salamin, bumagsak ang kisame at nabiyak ang sahig sa ilang bahagi ng General Santos Airport matapos na tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Maasim,Sarangani, Lunes ng umaga, June 8,2026
Inanunsyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pansamantalang pagsuspinde ng mga operasyon sa paliparan sa GenSan Airport kasunod ang babala ng tsunami na inilabas ng PHIVOLCS.
Ang Notice to Airmen, na isang safety advisory na ibinibigay sa mga piloto at flight operator upang alertuhan sila ng biglaan o pansamantalang mga panganib o pagbabago ng ruta sa airspace , ay epektibo mula 8:45 AM hanggang 3:00 PM ngayon.
Kasalukuyang isinasagawa ang mga pagtatasa ng mga pasilidad, kagamitan, at kakayahan sa pagpapatakbo ng himpapawid upang matiyak ang patuloy na kaligtasan at integridad ng mga operasyon sa paliparan.
Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga airline para sa mga update sa katayuan ng kanilang mga flight. (JOJO SADIWA)