Advertisers

Advertisers

57 TESTIGO HANDA SA TRIAL VS SARA

0 4

Advertisers

PINALAWAK ng House prosecution panel ang listahan nito ng mga posibleng testigo mula 25 hanggang sa 57 para sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, upang matiyak na maipapakita sa Senado bilang impeachment court ang lahat ng mahalagang ebidensya, ayon kay lead prosecutor Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro nitong Martes.

“Naging maingat kami sa tuntunin na ang mga testigo at ebidensyang hindi naitala o naiprisinta sa pre-trial ay hindi na maaaring iharap sa mismong paglilitis. Ibig sabihin, nagsigurado na kami,” ani Luistro.

Ayon kay Luistro, isinama ng prosecution panel sa pre-trial brief na isinumite nito noong Lunes ang lahat ng posibleng testigo at dokumentaryong ebidensya na maaaring may kaugnayan sa apat na ‘Articles of Impeachment’.

Bagama’t tumanggi siyang talakayin ang mga ulat tungkol sa bagong ebidensya laban kay Duterte, kinumpirma niyang pinal na ang listahan ng mga posibleng testigo.

“Kung tungkol sa bilang ng mga testigo, ang pinal na bilang ay 57,” wika ni Luistro.

Nauna nang sinabi ng prosekusyon na naghahanda ito ng humigit-kumulang 25 testigo. Nguni’t ayon kay Luistro, nadagdagan ang bilang matapos nilang pasiyahang isama ang lahat ng testigo at ebidensyang maaaring gamitin sa paglilitis.

“Kaya isinama namin ang bawat ebidensyang alam naming may anumang kaugnayan sa impeachment at sa mga Articles of Impeachment,” pahayag pa ni Luistro.

Ipinaliwanag niya na ayon sa mga tuntunin ng impeachment, hindi maaaring iharap sa paglilitis ang mga testigo at ebidensyang hindi natukoy at namarkahan sa panahon ng pre-trial.

“Hindi puwede. Bawal ang surprise witnesses. Kaya lahat ng ebidensya ay kailangang mamarkahan sa pre-trial,” sabi ni Luistro.

“Kung hindi mo ito namarkahan, hindi mo naisama ang pangalan, at wala kang reservation, hindi na ito papayagang maiprisinta sa paglilitis.”

Sa kabila ng listahan ng 57 testigo, sinabi ni Luistro na hindi pa napagpapasyahan ng prosekusyon kung ilan sa kanila ang aktuwal na haharap at magbibigay ng testimonya kapag nagsimula ang paglilitis sa Hulyo 6.

“Nguni’t nasa pagpapasya ng prosekusyon kung lahat ba ng 57 na ito ay ihaharap sa paglilitis. Nasa amin ang desisyong iyon,” aniya.

Sa apat na Articles of Impeachment, sinabi ni Luistro na ang artikulong may kinalaman sa maling paggamit ng confidential funds ang may pinakamaraming testigo dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang pormal na kilalanin at patunayan sa pamamagitan ng testimonya.

Dagdag pa niya, anumang ebidensyang balak iharap ng prosekusyon sa paglilitis ay dapat nakasaad na sa pre-trial brief.

Ayon kay Luistro, ang mga detalyeng nakapaloob sa pre-trial brief ay magiging bahagi rin ng pampublikong rekord ng impeachment proceedings.

Isinumite ng House prosecution panel noong Lunes ang 57-pahinang pre-trial brief nito, kasama ang listahan ng mga testigo at dokumentaryong ebidensya, sa Senado bilang impeachment court bago ang pre-trial conference sa Hunyo 18.

Paulit-ulit namang iginiit ng mga prosecutor ng Kamara na handa silang magprisinta ng ebidensya para suportahan ang lahat ng apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte. Kabilang dito ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban sa mga pinakamataas na opisyal ng bansa.