Advertisers
IGINIIT ng defense panel ni Vice President Sara Duterte na nabigo ang prosekusyon na magharap ng sapat at matibay na ebidensya upang patunayan ang paratang na umano’y nangontrata siya ng isang assassin laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ikatlong araw ng paglilitis sa impeachment.
Iniharap ng prosekusyon ang una nitong testigo na si John Mark Calilung, senior agent ng National Bureau of Investigation, na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga video kung saan umano’y nagbitiw si Duterte ng mga pagbabanta laban Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sa isang online news briefing noong Nobyembre 2024.
Sa kanyang closing remarks, sinabi ng defense lawyer na si Atty. Mark Vinluan na mismong prosekusyon ang umamin na ang mga pahayag ni Duterte sa press conference noong Nobyembre 23, 2024 ay hindi sapat na patunay na siya ay nangontrata o kumuha ng isang assassin.
“The prosecution has no other competent evidence to prove that VP Sara contracted an assassin. Ang testimony ni Calilung, gaya ng iba pang ebidensya kuno ng prosecution, ay hind sapat para patunayan ang paratang na ito,” wika ni Vinluan.
“Trying to prove this stretch narrative using a hodgepodge of materials is a waste
of this honorable court’s time and the Filipino people’s money.”
“Si VP Sara na mismo ang nagsabi na hindi assassin ang kinausap niya. This term only came from people who took her statements out of their proper context and tried to exaggerate them for what they really meant,” patuloy pa niya.
Binanggit ni Vinluan ang naging obserbasyon ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa pagdinig na ang mga naging pahayag ni Duterte ay hindi maituturing na patunay na siya ay tunay na kumuha o nangontrata ng isang assassin.
Sa ikalawang araw ng paglilitis noong Hulyo 7, sinabi ni Hontiveros na, “Wala sa mga pahayag na ito ang nagpapatunay na ang Bise Presidente ay tunay na nagkontrata o kumuha ng isang assassin.” (Mylene Alfonso)