Advertisers
By Anne Venancio
Naging doble ang selebrasyon para kay Sarah Geronimo sa kanyang ika-38 kaarawan matapos siyang makatanggap ng isang sweet birthday greeting mula sa asawang si Matteo Guidicelli at muling makasama ang kanyang mga magulang sa isang espesyal na musical moment.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Matteo ang ilang masasayang larawan nilang mag-asawa kasama ang kanilang pamilya at mga malalapit na kaibigan. Kalakip nito ang maikli ngunit makahulugang mensahe: “Happy birthday my love! This will be the best year ever,” na agad umani ng libu-libong likes at komento mula sa fans at kapwa celebrities.
Marami ang nagbigay ng kani-kanilang interpretasyon sa mensahe ni Matteo. Habang may ilang netizens ang nag-isip na maaaring may bagong blessing na paparating para sa mag-asawa, mas marami naman ang naniniwalang tinutukoy nito ang muling paglapit ni Sarah sa kanyang pamilya.
Kasabay ng kanyang kaarawan, nagbahagi rin si Sarah ng isang behind-the-scenes video ng duet nila ng kanyang ama na si Delfin Geronimo sa awiting “Refrain,” kung saan makikita rin ang isang magaan at masayang sandali kasama ang kanyang ina na si Divine Geronimo.
Para sa maraming tagahanga, ang birthday celebration ni Sarah ay naging simbolo ng pagmamahal, pagpapatawad, at panibagong simula para sa kanyang pamilya.