Advertisers

Advertisers

P9.5B Refund ng Meralco sa loob 6 na buwan Malaking Tagumpay — Rep Poe!

0 5

Advertisers

Ikinatuwa ni FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe ang direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ipag-utos sa Meralco ang pag-refund ng humigit-kumulang ?9.5 bilyong sobrang nakolektang bayarin sa mga konsyumer sa loob ng anim na buwan.

Ayon kay Poe, ang naging hakbang ng ERC ay isang makabuluhang tugon sa panawagan ng House Resolution No. 1126 na kanyang inihain upang pabilisin ang refund ng overcollections ng Meralco.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Energy noong Agosto 5, 2026 kaugnay ng resolusyon, una nang iminungkahi ng Meralco na isauli ang humigit-kumulang ?9 bilyon sa loob ng 36 na buwan. Bagama’t kinilala ni Poe ang pagkilala ng kumpanya na may dapat isauling halaga sa mga konsyumer, iginiit niyang masyadong mahaba ang tatlong taong paghihintay para sa perang hindi naman sana nakolekta sa simula pa lamang.

“Mas mapapabilis ang pagbabalik ng pera sa ating mga konsyumer sa naging desisyon ng ERC. Mas malaki rin ito kaysa sa unang mungkahi ng Meralco,” pahayag ni Poe.

Aniya, ang mabilis na aksyon ng regulator ay patunay na kapag maagap ang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan, direktang nararamdaman ng milyun-milyong pamilyang Pilipino ang ginhawa.

Gayunman, binigyang-diin ni Poe na hindi nagtatapos sa refund ang usapin dahil nananatili ang pangangailangan para sa pananagutan at transparency.

“Karapatan ng bawat Pilipinong konsyumer na matanggap ang bawat pisong nararapat sa kanila. Hindi nagtatapos ang pangangalaga sa mga konsyumer sa pag-apruba ng refund. Matutupad lamang ito kung ang refund ay tama, kumpleto, malinaw, at ganap na natatanggap ng bawat kwalipikadong konsyumer,” ani Poe.

Dagdag pa niya, patuloy na gagampanan ng mga mambabatas ang kanilang oversight function upang matiyak na maisasakatuparan ang mga pangako at mapangangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipinong gumagamit ng kuryente. (Cesar Barquilla)