Advertisers
Ni Anne Venancio
Magkasama sina Ruru Madrid at Bianca Umali sa isang weekend road trip ilang araw matapos muling maging viral ang pag-amin ng aktor tungkol sa dati niyang pagtataksil sa nobya.
Ibinahagi ni Bianca sa Instagram noong Agosto 8 ang ilang larawan mula sa kanilang biglaang road trip. “Sponty road trips are the best with the bestie!” caption niya sa post.
Muling napag-usapan online ang relasyon ng dalawa matapos talakayin ni Ruru sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang pagtataksil na ginawa niya noong 20 anyos pa lamang siya.
Inako ng aktor ang responsibilidad sa kanyang pagkakamali at nilinaw na hindi niya ginagamit ang kanyang murang edad bilang dahilan.
Ayon kay Ruru, nakatulong ang walong buwang paghihiwalay upang mapagtanto niya ang kahalagahan ni Bianca sa kanyang buhay. Nagpasalamat din siya dahil tinanggap siyang muli ng aktres.
Nagsimulang mag-date ang dalawa noong 2018 at kinumpirma sa publiko ang kanilang relasyon noong 2022.
Sa kabila ng muling pagtalakay sa kanilang nakaraan, ipinakita ng Instagram post ni Bianca na naglaan pa rin sila ng oras para magkasama. Patuloy namang sinusubaybayan ng kanilang mga tagahanga ang relasyon ng magkasintahan.