Advertisers
NASAWI ang tatlo katao nang masapol ng kotse habang naglalakad sa gilid ng highway sa Barangay Calapagan, Lupon, Davao Oriental nitong Lunes.
Sa hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng Davao Oriental Provincial Police Office at ng Police Regional Office-12, hindi na umabot ng buhay sa hospital ang mga biktimang sina Joselito Semiros, 58 anyos; Camille Toledo, 23; at Adessa Toledo, 2.
Naglalakad ang mga biktima sa gilid ng highway nang araruhin ng kotse na may plakang VID 311 nang nagtangka iwasan ng driver na si Vicente Mocoy Ambayec, 48, ang mga kasalubong na isang asong gala at dalawang motorsiklong mabilis ang takbo.
Sa salaysay ni Ambayec sa mga imbestigador ng Lupon Municipal Police Station, dahil sa pagkabigla nang makitang nasa harap na ng kanyang kotse ang aso, nawalan siya ng kontrol kaya ito gumewang, napunta sa gilid ng highway at nasapol ang mga biktima.
Nasa kustodiya na ng Lupon MPS si Ambayec at ang kanyang kotse.