Advertisers
NAGKAROON ng kaguluhan sa tapat ng Quiapo Church nang mag-agawan ang mga deboto sa naputol na lubid ng andas.
Ayon sa Quiapo Church, isa sa mga dahilan kung bakit bumagal nang kaunti ang pag-usad ng Traslacion ang pagkaputol ng bahagi ng lubid na ginagamit sa andas ng Poong Itim na Nazareno.
Bukod pa ito sa pagsampa ng andas ng mga deboto.
Dahil sa pagkaputol ng bahagi ng lubid, isa na lamang ang ipinanghihila sa andas.
Ayon sa ulat, naputol ang lubid pagliko ng Arlegui St., pagkagaling sa Quezon Boulevard.
Isinarado rin ang pangunahing gate papasok ng Quiapo Church nang pasukin ng mga deboto upang isoli ang narekober na lubid na natanggal sa andas. (Jocelyn Domenden)
180 deboto sugatan sa Traslacion 2024; ilang deboto sinubukan parin sumampa sa andas
UMARANGKADA ang Andas ng Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand eksaktong 4:45 ng umaga nitong Martes, Enero 9.
Bagama’t umaambon, hindi natinag ang mga deboto na makibahagi sa pagbabalik ng Traslacion na tatlong taon natigil dahil sa pandemya ng Covid- 19.
Sa tala ng Minor Basilica of Black Nazarene (Quiapo Church Command Post) ay nasa 1.340 milyon ang nakibahagi sa Grandstand, habang sa prusisyon o pag-usad na ng Traslacion ay umabot na lamang sa 656,700 dahil kumalas narin ang iba.
Hindi naman maiwasan na ilang deboto ang magawang makasampa parin sa Andas ng Itim na Nazareno kahit pa nakalagay na ito sa glass case.
Sa Quiapo, nakapagtala ng 26,800 deboto para makiisa sa idinaraos na Misa.
May mga naitalang sugatan na mga deboto dahil sa siksikan sa Traslacion.
Sa Traslacion 2024 summary assistance ng Philippine Red Cross (PRC), nasa 180 pasyente ang kanilang natugu-nan Martes ng umaga palang.
Isa sa nasabing bilang ang major case o head trauma, 50 ang minor case kabilang rito ang laceration, pagkahilo at 28 ang naitalang may kaugnayan sa vital signs.
Karamihan sa mga nawalan ng malay at nahirapang huminga ay dahil naipit sa alon ng mga deboto ang mga kabataang kababaihan.
Isinugod naman sa medical facility ang isang buntis na nakaranas ng pananakit ng tiyan.
Ayon sa PRC, may 10 first aid stations na nakadeploy sa iba’t-ibang lugar na tutugon sa emergency para sa mga deboto na posibleng maiipit sa Traslacion. (Jocelyn Domenden)