Advertisers

Advertisers

Pinsala sa agrikultura, pangisdaan sa Bulacan, umabot sa P86M

0 11

Advertisers

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot na sa P86,320,723.81 ang pinsala sa agrikultura at pangisdaan sa patuloy na sama ng panahon sa Bulacan.

Ito ang iniulat ng Provincial Agriculture Office (PAO) nitong Huwebes ng hapon.

Sinabi rin ng PAO na 1,870 magsasaka at 962 mangingisda ang naapektuhan sa buong lalawigan.

Umabot na rin umano sa P685,300 ang initial damage report sa mga alagang hayop at manok.

Dahil sa malawakang pagbaha, nagdeklara na ng state of calamity ang mga munisipalidad ng Calumpit, Balagtas, Paombong at lungsod ng Meycauayan. Ito ay magbibigay-daan sa mga local government unit na maglabas ng emergency funds, magpatupad ng mga price control measures at paigtingin ang rescue at relief operations nito.

Nagsagawa na rin ng full-scale disaster response operation ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong Bulakenyo.

May kabuuang 188 evacuation centers ang naisaaktibo sa buong lalawigan, na kasalukuyang tinatanggap ang 6,041 pamilya na may 19,638 indibidwal na lumikas mula sa mga lugar na madaling bahain at iba pang mababang munisipalidad.

Upang matugunan ang kasalukuyang sitwasyon, ang Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO), sa pangunguna nina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro, ay unang namahagi ng 1,185 relief packs sa iba’t ibang evacuation center sa Paombong, Marilao at Malolos.

Ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na pinamumunuan ng gobernador, ay binabantayan ang lagay ng panahon at ang mga insidente ng pagbaha sa lahat ng lungsod at munisipalidad at ganap na ipinatupad ang Incident Command System na may mga itinalagang Incident Management Team sa mga apektadong lugar.

Iniutos din ni Fernando ang mabilis na pagtugon at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. (RONALD BULA)