Advertisers
Isinailalim ng National Police Commission (Napolcom) si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Brig. Gen. Romeo Macapaz sa preventive suspension sa loob ng 90 araw.
Inanunsiyo ito ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinisan nitong Huwebes, Agosto 28.
Ayon kay Calinisan, pinatawan ito ng hindi bababa sa 90 araw na preventive suspension ng NAPOLCOM dahil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kasunod ito ng reklamong inihain laban kay Macapaz ni Elakim Patidongan, kapatid ng whistleblower na si Julie Patidongan o alyas “Totoy”, kaugnay ng umano’y iregularidad sa paghawak sa kaso ng mga nawawalang sabungero o pinakialaman ni Macapaz ang imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng 34 na sabungero.
Matatandaan namang noong Agosto 22, isinampa rin ng Napolcom ang mga kasong administratibo laban sa dating CIDG chief dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Nilinaw ni Calinisan na ang suspensiyon kay Macapaz ay ipatutupad para hindi nito maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Nakatakda namang i-recall si Macapaz na ngayon ay regional director ng Police Regional Office sa Region 12.(M.Obleada)