Advertisers
PATAY ang isang ginang na nag-aaplay magtrabaho sa abroad nang barilin ng mister nito, na nagbaril din sa sarili sa Purok-6, Sitio Mabalod, Barangay Tandaroda, Guinobatan, Albay.
Kapwa dead-on-arrival sa magkahiwalay na pagamutan ang mag-live-in partner na sina alyas “May”, 32 anyos, ng naturang barangay; at alyas “Onin’, nasa hustong gulang, lugaw vendor, ng Purok-6, Villa Maria Subdivision, Brgy. Travesia.
Sa ulat ng Camp Gen. Simeon Ola, naganap ang insidente 7:35 ng gabi nang puntahan ng mister sa kanilang bahay ang misis at kinompronta dahil sa “selos”.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa putukan ng “sumpak” ang misis na nasapul sa dibdib.
Bumulagta ang ginang, habang naglakad lamang palabas ang mister patungo sa madamong lugar at doon ay nagbaril ito sa ulo.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nabatid na selos ang dahilan ng krimen, tinawag na ‘crime of passion’.
Nag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa ang biktima, pero ayaw pumayag ng lalaki.
May 8-anyos na anak ang biktima at ang salarin na maaga ngayong naulila ng magulang.