Advertisers
ITINAAS pa sa Intensity VIII ang pinakamalakas na pagyanig na naramdaman sa Glan, Kiamba, Malapatan, Malungon, at General Santos City matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa timog-kanlurang bahagi ng Maasim, Sarangani noong Lunes, Hunyo 8, 2026, alas-7:37 ng umaga.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 33 kilometro at nagdulot ng matinding pinsala sa iba’t ibang probinsya sa Mindanao.
Naitala naman ang Intensity VII sa Davao Occidental, Alabel, Maasim, Maitum, Koronadal, at Tupi, habang Intensity VI naman sa ilang bayan ng South Cotabato at Sultan Kuda-rat.
Umabot sa Intensity V hanggang IV ang naramdaman sa Davao Region, Cotabato, Bukidnon, Zamboanga Peninsula, at maging sa ilang bahagi ng Visayas.
Instrumental readings ay nagpatunay ng parehong lakas ng pagyanig, kabilang ang Intensity VIII sa Malapatan, Sarangani.
Ayon sa mga awtoridad, inaasahan ang pinsala sa imprastruktura at patuloy na aftershocks, na umabot na sa mahigit 1,100 mula nang tumama ang lindol.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense, 41 na ang nasawi, higit 450 ang sugatan, at mahigit 77,000 indibidwal ang naapektuhan.
Tinatayang P900 milyon ang halaga ng pinsala sa mga kalsada, tulay, at gusali, kabilang ang General Santos International Airport na pansamantalang isinara para sa komersyal na operasyon.
Patuloy ang search and rescue operations at relief efforts upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong komunidad.