Advertisers
IGINIIT ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director, Atty. Jeremy Lotoc, sa Senate impeachment court nitong Martes na ang tinatawag na “Romanov”, na binanggit ng kampo ng depensa bilang paliwanag sa kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024, ay unang ginamit bilang babala laban sa pamilya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., hindi laban sa Bise Presidente.
Ginawa ni Lotoc ang paglilinaw sa kanyang cross-examination matapos igiit ng depensa na ang naging pahayag ni Duterte ay tugon lamang sa tanong sa kanyang online press conference tungkol sa “Operation Romanov” na naglalayong ipahamak siya at ang kanyang pamilya.
Ang naturang press conference noong Nobyembre 23, 2024 ang sentro ng ikaapat na Artikulo ng Impeachment, na inaakusahan si Duterte ng ‘grave threats’ at ‘betrayal of public trust’ matapos niyang sabihin na inutusan niya ang isang tao na patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Binasa ng abogado ng depensa na si Mark Vinluan ang tanong ng pro-Duterte online personality na si Princess Maui, na nagbabala kay Duterte tungkol sa isang “Operation Romanov” na target umano ang pamilya Duterte.
Subali’t sinabi ni Lotoc na unang narinig niya ang salitang “Romanov” mula kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa isang Maisug rally, at walang napatunayang ebidensiya ang mga imbestigador na may totoong operasyon na may ganoong pangalan.
“Narinig ko ‘yung term na Romanov noong binigkas ni Mayor Baste noong January during Maisug rally. Other than that, wala akong na-validate about Romanov operation,” ani Lotoc.
Tinanong ni Senator-judge Raffy Tulfo si Lotoc kung ano ang mismong sinabi ni Mayor Duterte sa naturang rally.
Ayon kay Lotoc, ginamit ni Baste ang sinapit ng pamilyang Romanov sa Russia bilang babala sa kasalukuyang First Family.
“When you go to bed tonight, think about the Romanovs. ‘Yun po yata ang pagkakasabi. Parang sinasabi niya na baka mangyari sa pamilya niyo ‘yun, gaya ng nangyari sa inyo noong 1986. Kung tama ang memory ko, Sir, parang ganoon po ang sinasabi ni Mayor Baste,” pahayag ni Lotoc.
Ikinagulat ni Tulfo na kalaunan ay inilarawan ni Princess Maui ang “Romanov” bilang banta naman sa pamilya Duterte sa online press conference ni VP Sara.
“Nagtataka ako na binanggit ‘yan ni Princess Maui doon sa online press conference ni VP Sara, ‘yung Romanov na banta para sa mga Duterte. When in fact, si Baste Duterte ang nagbitaw ng salitang iyon bilang warning sa First Family,” ani Tulfo.
Nang muling tanungin kung saan nagsimula ang paggamit ng salitang Romanov, muling itinuro ni Lotoc ang pahayag ni Mayor Duterte.
“Yeah, insofar as our investigation is concerned, since nag-start ‘yan doon kay Mayor Baste, at wala ho kaming ma-validate na ibang Romanov operations na nangyari, I think nag-start ‘yan sa kanila, sir, sa kapatid ng Vice President,” aniya.
Binigyang-diin pa ni Tulfo sa impeachment court na ang salitang “Romanov” ay unang ginamit bilang pagbabanta sa First Family.
“The word Romanov came from the mouth of Mayor Baste Duterte na parang binabantaan niya ang First Family. You follow me, Mr. Witness?” tanong ni Tulfo.
“Yes, sir. Tama po ‘yun,” tugon ni Lotoc.
Muling binalikan ni Senator-judge Panfilo Lacson ang usapin, at inaming ang una niyang pagkaunawa ay ang Operation Romanov ay banta laban kay VP Sara.
“Until today, when Senator Judge Raffy Tulfo clarified, opo, na yung palang Oplan Romanov, eh, threat against the First Family,” sabi ni Lacson.
Sumang-ayon si Lotoc sa obserbasyon ng senador.
Nauna ring isiniwalat ni Lotoc na inimbitahan ng NBI si Princess Maui upang magbigay-linaw sa kanyang alegasyon kaugnay ng Operation Romanov, ngunit hindi ito dumalo sa imbestigasyon.
“Nag-invite kami kay Princess Maui… ang sabi ng investigator, hindi daw siya nag-appear,” ayon kay Lotoc.
Sa huli, tinanong ng depensa kung nagsagawa ba ang NBI ng hiwalay na imbestigasyon tungkol sa Operation Romanov.
Ipinaliwanag ni Lotoc na ang naging imbestigasyon ng NBI Cybercrime Division ay nakatuon lamang sa mga kasong may kaugnayan sa paggamit ng information and communications technology (ICT). Aniya, ang anumang pagsisiyasat sa tunay na pag-iral ng umano’y Operation Romanov ay nasa saklaw na ng NBI Intelligence Service o ng pamunuan ng ahensya.