Advertisers

Advertisers

DepEd under VP Sara ginamit ang Army certificate sa P15.5m claim… ‘NABUDOL ANG AFP!’

0 4

Advertisers

SINABI ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong nitong Martes na ginamit ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng noo’y kalihim na si Sara Z. Duterte, ang isang regular na certification ng Philippine Army bilang suporta sa hiwalay na P15.54-milyong claim para sa confidential funds.

Ayon kay Alonto Adiong, pinatunayan lamang ng naturang certification na isinagawa ang mga aktibidad ng Army para sa kabataan. Hindi nito tinukoy ang isang informer, hindi ipinakita na may reward na ibinayad, at hindi rin pinatunayan na confidential funds ng DepEd ang ginamit para pondohan ang mga aktibidad.

“Isa lang po ang puwedeng i-draw as a conclusion from the testimony of Colonel Boransing: nabudol po ang AFP”, ani Alonto Adiong sa noontime press conference ng prosecution matapos ang Day 20 ng impeachment trial ni Duterte.

Nagpatotoo si AFP Colonel Manaros M. Boransing II na ang kanyang certification na may petsang Enero 1, 2024 ay naglalaman ng walong Youth Leadership Summits (YLS) at 53 Information Education Campaign activities na isinagawa ng 1st Infantry “Tabak” Division kasama ang iba pang stakeholders noong 2023.

Sinabi rin ni Boransing na walang perang mula sa DepEd ang inilabas o ipinadala sa kanilang division para sa mga naturang aktibidad.

Ayon sa opisyal, inakala niyang ordinaryong certification lamang ito ng paglahok ng Army sa mga aktibidad. Nalaman lamang aniya sa isang pagdinig sa Kamara noong Oktubre 2024 na ginamit ng DepEd ang dokumento bilang sagot sa Commission on Audit (COA).

“Nabudol ang AFP dahil hiningan sila ng certification na ang paggamit noon ay i-justify nila sa COA,” ani Alonto Adiong.

Isinama ng DepEd ang mga certification mula sa Army sa kanilang tugon noong Abril 17, 2024 sa COA Audit Observation Memorandum No. 2024-015. Humingi ang naturang memorandum ng mga dokumentong susuporta sa P15.54 milyong reward na iniulat na ibinigay kaugnay ng matagumpay na information-gathering o surveillance.

Iginiit ni Alonto Adiong na limitado lamang ang pinatutunayan ng certification.

“The certificate only proves that there was a summit that was conducted. There was such an event that happened on that particular date,” aniya.

“Hindi nito pinatutunayan ang paggamit ng confidential funds. Hindi rin nito pinatutunayan na may reward na ibinigay noong naturang aktibidad,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang hindi pagtutugma ng nilalaman ng certification at ng financial claim ay maaaring indikasyon ng misrepresentation sa liquidation response ng DepEd.

“Ang isang certificate na hindi naman ibig sabihin na nagkaroon ng direct expense ang Office of the Secretary of Education ay ginamit bilang ebidensya ng liquidation,” ani Acidre.

Nakasaad sa certification ang mga aktibidad, mga lumahok at mga lugar kungsaan isinagawa ang mga ito. Ngunit wala itong sinasabing nagbayad ang DepEd sa Army, wala ring tinukoy na tumanggap ng reward, at hindi rin nito iniugnay ang confidential intelligence sa alinmang partikular na summit.

Ayon kay Acidre, hindi lamang ang institusyong militar na naglabas ng dokumento ang dapat suriin.

“Mukhang nabudol ang AFP, mukhang nabudol ang taong bayan sa pagkakataong ito,” aniya.

Dagdag niya, ang isang kuwestiyonableng paggamit ng dokumento ay dapat maging dahilan upang masusing siyasatin ang iba pang dokumento at transaksyong may kaugnayan sa confidential funds.

“Kung may isang instance ng misrepresentation ang tanggapan ng Secretary of Education noong panahon ni Vice President Sara Duterte sa liquidation ng confidential funds, mas lalo pang nagbibigay iyan ng maraming katanungan,” ani Acidre.