Advertisers
UMABOT sa P52.8 bilyon ang National Tax Allotment o NTA na natanggap ng Davao City at mga barangay nito mula 2022 hanggang 2026.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, kabilang dito ang P41.63 bilyon na NTA para sa Davao City Government at P11.17 bilyon para sa mga barangay ng lungsod.
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos igiit ni Cong. Paolo Duterte na “zero budget” ang kanilang lungsod sa loob ng apat na taon.
Bukod sa NTA, sinabi ni Castro na nakatanggap din ang Davao ng iba pang pondo sa ilalim ng General Appropriations Act o GAA sa parehong panahon.
Kabilang aniya rito ang mga pondo para sa national wealth, incremental collections mula sa VAT, Local Government Support Fund at iba pang programa, na kabuuang umabot sa P314.48 milyon.
Kung pagsasamahin ang NTA at iba pang GAA releases, nasa humigit-kumulang P53.11 bilyon ang kabuuang pondong nakatalang natanggap ng Davao City at mga barangay nito mula 2022 hanggang 2026.
Dagdag pa ng Palace official, hindi pa kasama rito ang mga indibidwal na programa at proyekto ng iba’t ibang national government agencies sa lungsod, kabilang ang DSWD, DPWH, DOTr at Department of Agriculture (DA). (Gilbert Perdez)