Advertisers
ITINUTURING nang ‘person deprived of liberty’ (PDL) si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez nang silbihan ng arrest warrant habang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City nitong Lunes, Setyembre 7.
Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na binasahan si Romualdez ng kanyang mga karapatan at isinailalim sa booking procedure matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.
Nakaantabay ang mga armadong pulis sa labas ng kanyang silid at iba pang bahagi ng ospital habang patuloy na mino-monitor ang kanyang kondisyon.
Ayon kay Remulla, dinala sa ospital si Romualdez dahil sa umano’y “cardiovascular event”, hindi stable na blood pressure at anxiety attack. Sinusuri rin siya ng mga doktor ng Philippine National Police katuwang ang kanyang attending physicians.
Nauna rito, naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kina Romualdez, dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Joselyn Tragua Serenio at Felicito Cristobal Guevarra matapos silang kasuhan ng Office of the Ombudsman ng plunder kaugnay ng umano’y kickback scheme sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.
Batay sa kasong isinampa ng prosekusyon, inaakusahan sina Romualdez at Co na tumanggap sa hindi bababa sa 15 porsiento ng commissions, kickbacks at iba pang benepisyo na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P7.44 bilyon.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang pag-isyu ng arrest warrant ay nangangahulugan lamang na nakakita ang korte ng ‘probable cause’ para pani-walaang maaaring nagawa ng mga akusado ang ibinibintang na krimen at hindi ito paghatol sa kanilang pagkakasala.
Naghain din ang kampo ni Romualdez ng mosyon na payagan siyang manatili sa ospital sa ilalim ng kustodiya habang kinakailangan pa ang kanyang inpatient treatment.
Iginiit ng kanyang abogado na haharapin ni Romualdez ang mga alegasyon sa ilalim ng proseso ng batas at humihiling lamang ito ng ‘due process’ at patas na paglilitis.
Patuloy na susuriin ng mga awtoridad ang kalagayan ni Romualdez upang matukoy kung kailan siya maaari nang iharap sa korte o ilipat sa detention facility.