Advertisers
NAGHAIN ng disbarment cases ang National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) sa Supreme Court Office of the Bar Confidant laban kay da-ting Negros Oriental Representative Jacinto “Jing” Paras at apat iba pang abogado kaugnay ng pagkakasangkot nila sa “honeytrap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Kabilang sa mga inakusahan sa reklamo ang mga abogadong sina Ruy Rondain, Orlando Mendiola, Patrick Criaga, at Josemilio Manuel Apostol na umano’y tumulong sa paghahanda ng mga script at affidavit ng apat na kababaihang inirekrut para sa naturang skema.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naunang pagpapasa ng NBI ng reklamong ‘qualified human trafficking’ sa Department of Justice laban kina Paras, sa apat na abogado, kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, at sa isang talent manager.
Mabilis namang pinalagan ni Paras ang naturang aksyon, iginiit na bahagi lamang ito ng pang-aapi at panggigipit ng pamahalaan.
Binigyang-diin pa ng dating mambabatas na gawa-gawa lamang ang mga ibinintang na kaso laban sa kanila at handa nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.
Nananatili naman ang NBI sa kanilang paninindigan na may sapat na batayan ang inihain nilang reklamo upang patawan ng kaparusahan ang mga sangkot na abogado.