Advertisers

Advertisers

Sapat ang mga testigo para pagdugtu-dugtungin ang ebidensya… ‘YAMAN NI SARA SISILIPIN SA MONEY TRAIL’

0 30

Advertisers

SINABI ni House prosecutor Ysabel Maria “Bel” Zamora ng San Juan City nitong Linggo na sapat ang mga testigo ng prosekusyon upang mabuo at maipaliwanag ang kuwento sa likod ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Z. Duterte, kahit hindi na planong ipatawag bilang testigo si dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Sa panayam kay Milky Rigonan sa programang ‘Isyung Pambayan’ ng dzRH, sinabi ni Zamora na maghahain ang prosekusyon ng mga testigong magbibigay ng mga opisyal na rekord at magpapatunay sa pagiging tunay ng mga dokumentong isusumite sa Senate impeachment court.

“Ang mga susunod nating testigo ay magpapakita ng mga dokumento. Siyempre, gaya ng sinabi natin, matagal at napakahirap ng prosesong ito. Pero kailangan nating tandaan na mga opisyal na dokumento ang mga ito at kailangang maiharap sa publiko sa pamamagitan ng mga testigo. Sila ang magtutukoy at magpapatunay sa mga ito,” paliwanag ni Zamora.



Dagdag niya, nasa isip parin ng prosekusyon ang mga inilabas na impormasyon ni Trillanes.

“Mayroon tayong mga dokumento at nasa likod ng ating mga isip ang kuwento ni Sen. Trillanes,” aniya.



Bagama’t hindi bahagi ng pormal na ebidensiyang iniharap sa impeachment court ang mga alegasyon at dokumentong inilabas ni Trillanes sa kanyang press conference nitong Biyernes, sinabi ni Zamora na isasaalang-alang parin ito ng prosekusyon habang sinusuri ang posibleng money trail na maaaring lumitaw mula sa testimonya at mga rekord ng iba pang mga testigo.

“Pag-uugnay-ugnayin natin ang lahat. Ibig sabihin, mayroon tayong mga testigong may sasabihin na may kaugnayan dito, o makikita natin ang koneksyon ng ating mga testigo sa sinabi ni Sen. Trillanes,” sabi niya.



Ani Zamora, hindi dapat basta balewalain ang mga pahayag ni Trillanes kahit hindi siya sumalang sa question-and-answer proceedings sa korte.

“Huwag natin itong balewalain kahit hindi siya sumailalim sa question and answer sa korte. Alalahanin natin ang mga sinabi niya at tingnan natin sa mga susunod na testigo ang koneksyon, ang money trail at ang mga dokumento,” aniya.

Binigyang-diin ni Zamora na hindi agad itinuturing ng prosekusyon na katotohanan ang bawat alegasyon o impormasyong naririnig nito. Sa halip, ibeberipika at iko-cross-check ang mga ito laban sa mga opisyal na rekord.

Inaasahang magpapatuloy nitong Lunes ang marathon proceedings ng impeachment trial, kungsaan nakatakdang tumestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director, Ronel Buenaventura.

Ito ay kasunod ng desisyon ni Senate impeachment court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na payagan ang paggamit ng financial records bilang ebidensiya sa paglilitis.

Humiling naman ang depensa noong Oktubre 1 ng karagdagang panahon upang makapaghanda para sa pagharap ni Buenaventura at sa mga financial document. Pinagbigyan ito ni Escudero, dahilan upang mailipat sa Lunes ang testimonya ng opisyal ng AMLC.

Naglabas din ng mga subpoena para sa mga kinatawan ng mga insurance company, opisyal ng mga bangko at mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na inaasahang haharap bilang mga testigo ngayong linggo.

Dahil sa pagtanggi ng depensa na sumang-ayon sa paggamit ng bank records ng bise presidente, sinabi ni Zamora na kailangang isa-isang iharap ng prosekusyon ang bawat dokumento sa impeachment court at ipa-authenticate ang mga ito sa mga kinauukulang opisyal.