Advertisers

Advertisers

244 dayuhan timbog sa ‘largest POGO bust’

0 37

Advertisers

ARESTADO ang 244 dayuhan sa tinaguriang “largest POGO bust of 2026”, na isinakatuparan ng mga awtoridad sa simultaneous operations sa dalawang munisipalidad sa Zamboanga Sibugay noong Biyernes, Oktubre 2.
Sa ulat na ibinahagi ng Bureau of Immigration sa kanilang website noong Sabado, Oktubre 3, sumentro ang mga operasyon sa mga umano’y POGO-related activities sa nabanggit na lalawigan.
Rumatsada ang mga operasyon sa pagtutulungan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division, National Bureau of Investigation (NBI), at Armed Forces of the Philippines (AFP)—na ikinasa sa Barangay Kimos, Siay, at Barangay Tandiong Muslim, Alicia.
Sa Siay, 113 dayuhan ang naaresto—110 ay Chinese, 2 Cambodian at isa ay Hong Kong national.
Samantala, nahuli sa Alicia ang 131 pang dayuhan—na nagmula sa China, Malaysia, Indonesia, at Myanmar.
Ayon sa BI, bahagi ang mga operasyon ng kanilang patuloy na pagpapatupad ng Executive Order No. 74, series of 2024, na nag-uutos sa “immediate ban” ng POGO operations sa Pilipinas—gayundin sa Republic Act No. 12312 (Anti-POGO Act of 2025), na siya namang nagbabawal sa “offshore gaming operations” at “establishment” o operasyon ng POGO sites sa bansa.
Iniimbestigahan narin ang mga nahuling dayuhan dahil sa posibleng immigration violations ng mga ito.
Maliban sa mga naarestong dayuhan, nasamsam sa operasyon ang 78 computer monitors, humigit-kumulang 3,000 mobile phones, laptops, at maging cellular SIM cards sa Casa de Coco Pension House Compound.
Kasama na rito ang ilan pang bilang ng technical devices na pinaniniwalaang ginamit para sa mga online scam.
“The Bureau of Immigration is firmly implementing the government’s policy against illegal POGO operations. We will continue to enforce our immigration laws against foreign nationals who violate the conditions of their stay and ensure that the Philippines is not used as a base for illegal activities,” saad ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa kaniyang pahayag.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa iba pang law enforcement agencies hinggil sa posibleng human trafficking-related violations.