Advertisers

Advertisers

Hindi pagsubpoena kay Trillanes ‘di lamang desisyon ni Escudero — SP Gatchalian

0 58

Advertisers

MARIING itinanggi ni Senate President Sherwin Gatchalian na hinarang ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero ang pagtestigo ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Gatchalian, hindi lamang si Escudero ang nagpasya kung bibigyan ng subpoena si Trillanes dahil kinonsulta muna ito sa mga senator-judge ng impeachment court.

Aniya may ilang mahahalagang usapin sa impeachment trial na unang tinatalakay at kinokonsulta ni Escudero sa mga senator-judge bago ito naglalabas ng desisyon o ruling.



Kasama umano rito ang usapin kung magiging testigo si Trillanes, na kabilang sa mga witness na isinama ng prosecution sa manifestation nito para sa Article II o alegasyon ng unexplained wealth.

Nauna nang nagpahayag si Trillanes noong Biyernes ng pagkadismaya kay Escudero dahil hindi siya nabigyan ng subpoena, at sinabi niyang siya lamang sa mga testigong isinama ng prosecution para sa Article II ang hindi nakatanggap ng naturang order.



Gayunman, sinabi ni Gatchalian na hindi nangangahulugan na hindi na maaaring tumestigo si Trillanes dahil walang subpoena mula sa impeachment court.

Ayon sa Senate President, maaaring ipatawag ng prosecution panel si Trillanes kung nais nitong gamitin ang kaniyang testimonya upang palakasin ang kaso nito.



Iginiit din ni Gatchalian na bukas ang impeachment trial sa mga testigong nais iharap ng magkabilang panig, alinsunod sa proseso ng paglilitis.