Advertisers
AABOT sa P3 bilyong tulong sa gasolina ang ipamamahagi ngayong Oktubre sa tinatayang 300,000 magsasaka, mangingisda at truck driver na naghahatid ng mga produktong agrikultural sa ilalim ng UPLIFT program ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod ng ulat ni Agriculture Undersecretary Arrey Perez, na bahagi ito ng tulong ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng El Niño at mataas na presyo ng langis sa sektor ng agrikultura.
Makakatanggap ang mga magsasaka at mangingisda ng P5,000 one-time fuel subsidy para sa paggamit ng tractors, motorized bancas at iba pang kagamitang nangangailangan ng gasolina.
Samantala, P2,000 kada linggo ang fuel subsidy para sa mga driver ng delivery truck na naghahatid ng ani mula sa mga sakahan patungo sa Metro Manila at iba pang pamilihan.
Nakikipagtulungan ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa Land Bank of the Philippines upang mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng mga branch at ATM nito.
Pinag-aaralan din ng Toll Regulatory Board at mga tollway operator ang toll holiday o discount para sa agri-delivery trucks hanggang Disyembre 31.
Sinabi ni Perez na umaasa ang DA na makakakuha agad ng kasunduan sa mga tollway operator upang maipatupad ang toll relief ngayong buwan.