Advertisers
ISANG malaking pahirap para sa isang Pinoy na nagnanais na magtrabaho sa Middle East ang pinaiiral na WAFID Medical Screening dahilan upang umatras na magtrabaho dahil sa pagtuturing na isa itong anti-OFW requirements.
Batay sa reklamo ng isa nating nakapanyam na aplikante na Overseas Filipino Worker (OFWs) patungong Middle East nadagdagan ang kanilang gastusin para sa kanilang medical dahil sa naturang requirements na ipinaiiral ng Gulf Cooperation Council (GCC) at Gulf Health Council.
Ipinagtataka din ng OFW na imbes na tutulan ito ay sinuportahan pa ito ni Department of Migrant Worker (DMW) Undersecretary Jainal Rasul Jr..
Nguni’t taliwas naman ito sa pananaw ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na aniya hindi maaring pigilan ang mga Pinoy na mamili ng kanilang gustong clinic na kanilang isasagawa ang medical screening o procedure.
Sa sistema kasi ng GCC kailangang magparehistro online ang isang Pinoy at sila ang magbibigay sa iyo ng clinic na dapat isagawa ang medical check up.
Nguni’t sa pagpaparehistro pa lamang ay kailangan ng magbayad ang isang OFW ng 10 dollars maliban pa sa bayaring 7,500 piso para sa medical at 3,500 piso para sa isang bakuna.
Kung ikukumpara sa dating binayaran ng isang OFW ay P3,500 lamang para sa medical at P1,500 para sa bakuna na halos pitong libong piso ang itinaas na gastos ng isang OFW.
Dahil dito nananawagan ang mga OFWs sa pamahalaan lalo na kay Cacdac at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na agad tugunan ang problemang ito at agarang makipag-ugnayan sa Royal Embassy of Saudi Arabia upang maibalik an dating sistema.
Magugunitang ang WAFID medical requirements ay dating bersyon ng GAMCA na isang mandatory pre-departure medical examination para sa mga taong nais magtrabaho, tumira at may family visas na tutungo sa mga bansang bahagi ng GCC subali’t nawala ito dahil labag ito sa umiiral nating batas.
Ang WAFID na katulad ng GAMCA ay maituturing na paglabag sa Republic Act 10022 na nag-amyenda sa Republic Acty No. 8042 na kilala bilang Migrant Workers and Filipinos Act of 1995 na naglalayong magbigay ng proteksyon sa karapatan ng bawat manggagawang Filipino.