Advertisers
NUEVA VIZCAYA – Bumagsak na sa mga kamay ng alagad ng batas ang suspek sa pagpaslang sa isang Korean national sa bayan ng Villaverde dito sa lalawigan. Nadakip ito sa Sitio Bukid, Barangay Calapacuan, Subic, Zambales.
Sa ulat ni Police Colonel Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, kay Brig. General Crizaldo Nieves, Regional Director ng Police Regional Office 02, nakilala ang naaresto na si Kristopher Mesias, 39 anyos, tubong Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya, na nahaharap sa kasong pagpatay at illegal possession of firearms.
Si Mesias ay No.1 most wanted person ng Region 2. Anim na taon itong nagtago sa batas matapos umanong paslangin ang nasabing Korean national.
Nadakip ng mga operatiba si Mesias nang aktong kukuha ito ng padalang pera mula sa kanyang kamag-anak.
Batay sa imbestigasyon ng Villaverde PNP, 2015 nang mangyari ang pagpatay sa isang Korean national sa inuupahang apartment nito sa Barangay Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Narekober ng Scence of Crime Operative (SOCO ) Team sa lugar ng pinangyarihan ang isang basyo ng bala ng caliber .45 na baril.
Si Mesias ay kasamahan ng biktima at nagsilbing driver / body guard noon.
Unang naaresto si Mesias pagkalipas ng ilang araw matapos ang krimen na naganap sa isang bar sa Brgy. Roxas dahil sa pagdadala ng baril ng walang kaukulang papeles. Napag-alaman na ang dala nitong baril ay tugma sa ginamit na pagpatay sa Koreano.
Kaugnay nito ay nag-isyu ng warrant of arrest sina Judge Rogelio Corpuz at Judge Paul R Attolba ng RTC Branch 27, Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kasong pagpatay at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na walang kaukulang piyansa.
Ang akusado ay nasa kustodiya ngayon ng Villaverde Police Station. (REY VELASCO)