Advertisers

Advertisers

Para makabili ang mahihirap at may sakit… BONG GO: ‘WAG MAG-PANIC, ‘WAG MAG-IMBAK NG GAMOT

0 344

Advertisers

IPINAYO ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na iwasan ang pag-iimbak, panic buying o hindi kinakailangang pagbili ng mga pangunahing gamot, kagaya ng paracetamol, upang makabili ang mga tunay na nangangailangang may sakit sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at nauusong trangkaso dala ng pagbago ng klima.

Hinimok din ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, ang gobyerno na tiyakin ang tuluy-tuloy na replenishment ng mga stock at walang hadlang na supply ng mga kinakailangang pangunahing gamot sa merkado kasunod ng pagkaubos ng paracetamol at iba pang gamot sa trangkaso at sipon sa mga botika nitong mga nakaraan.

Ipinaalala ni Go sa mga kinauukulang ahensya na regular na subaybayan ang supply ng mahahalagang gamot na nauugnay sa COVID-19, partikular na ang mga pangsuportang gamot para sa symptomatic therapy.



“Gawin po natin ang ating magagawa para masiguro na tuluy-tuloy ang supply ng gamot sa bansa. Dapat maging accessible ang mga ito sa lahat lalo na sa mga mahihirap,” sabi ni Go.

“Mahalaga pong magawa natin ito lalo ngayon na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 at mas maraming Pilipino ang mangangailangan ng gamot,” idinagdag niya.



Kaugnay nito, sinabi ng Department of Health na nakikipagtulungan sila sa Food and Drug Administration gayundin sa Department of Trade and Industry upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng health related goods.

Nauna nang tiniyak ng DOH na sa kabila ng pagtaas ng demand para sa mga naturang produkto, wala umanong kakapusan nito sa Pilipinas.



Mayroong ilang generic na alternatibo sa paracetamol sa merkado at ito ay matatagpuan sa maraming tindahan ng gamot sa buong bansa.

“Marami ang nagkakasakit ngayon pagkatapos ng holiday season. Magmalasakit tayo sa isa’t isa at magtulungan. Pinapayuhan ang lahat na bumili lang ng sapat sa pangangailangan para masiguro ang iba ay hindi mauubusan,” giit ni Go.

Kaya naman patuloy na ipinaalala ng senador ang mahigpit na pagbabantay at pagdidisiplina ng lahat na siyang epektibong pagpigil ng virus sa mga komunidad.

“Kung gusto nating bumalik sa normal na pamumuhay at talunin ang kalaban na hindi natin nakikita, kailangan ang disiplina at kooperasyon ng lahat,” idiniin ni Go.

Ani Go, mahigpit na sundin ang ipinag-uutos na mga protocol sa kalusugan at kaligtasan, tulad ng wastong paggamit ng mask, social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at pananatili sa bahay hangga’t maaari.

Higit sa lahat, umapela siya sa publiko na magpabakuna sa lalong madaling panahon.

“Mas delikado talaga kapag hindi bakunado. Kung mahal ninyo ang inyong pamilya, magpabakuna na po kayo,” apela ni Go sa mga hindi pa nabakunahan.