Advertisers
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang senior citizen na miyembro ng Anakpawis Sorsogon sa Barangay San Vicente sa bayan ng Barcelona, Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Silvestre Fortades Jr., 70-anyos; at kinakasama nitong si Rose Maria Galias, 68.
Ayon sa ulat, sakay ang dalawa sa isang tricycle kung saan si Fortades ang nagmamaneho.
Nang huminto umano ang kanilang sasakyan sa isang tindahan at bumaba ang dalawa, bigla na lamang sumulpot ang dalawang salarin at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Nakuha sa pinangyarihang ang 13 basyo ng kalibre 45.
Sa pahayag ng Anakpawis Sorsogon, sinabi nila na kapwa nagtitinda ng bawang, sibuyas at iba pang sangkap sa pagluluto ang dalawang biktima nang mangyari ang pamamaril.
Kinondena naman ng Karapatan Bikol, Bayan Bikol, Defend Bicol ang pagpaslang sa dalawa na pareho ring miyembro ng Samahan ng Magsasaka local chapter ng KMP Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.