Advertisers

Advertisers

PINK SUPPORTERS ANG BUHAY NG KAMPANYANG ROBREDO

0 385

Advertisers

KAPANSIN-PANSIN na doble-kayod na ang mga mga kumakandidato sa nasyonal na eleksiyon sa panunuyo ng mga botante ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng pangangampanya.

 

Sa halos tatlong buwan, nakita natin kung papaano sinuyo ng iba’t ibang kumakandidato sa pagkapangulo ang mga botante mula dulo ng Luzon hanggang sa kasuluk-sulukan ng Mindanao.



 

May mga sumayaw sa harap ng madla at mayroon din namang nakipag-usap ng puso sa puso.



 

Kung may isang pinaka-highlight ng kampanya ngayong taon, ito ay ang pagsanib-pwersa ng mga supporters ni Vice President Leni Robredo na kailanman ay hindi natin nakita sa mga nakaraang halalan.



 

Huwag na tayong maglokohan pa. Naging kalakaran na ng mga pulitiko, lalo na ng mga may makinarya, ang maghakot ng mga tao sa tuwing sila ay magdadaos ng isang malaking political rally sa kani-kanilang mga lugar.

 

Hindi ba’t sinabi din ng isang beteranong pulitiko na mahina na ang pagbabayad ng P500 bawat tao para lamang pilitin sila na um-attend ng political rally at makinig sa mga pangakong patuloy na napapako?

 

Kung galante pa si pulitiko ay may pabaon pa na kahon-kahon na mga goodies at iba pang mga ayuda. Ang ending, kapag nanalo, eh babawiin nila iyan sa pamamagitan ng paglustay sa kaban ng bayan. Kawawa na naman si Juan dela Cruz.

 

Ngunit kakaiba itong nangyari ngayong Eleksyon 2022. Sa lahat ng kampanya, kapansin-pansin na buhay ang pagbabayanihan ng mga taga-supporta ni VP Leni. Parang isang malaking piyesta ang nagaganap sa tuwing bumibisita si Robredo sa iba’t ibang munisipalidad at probinsya.

 

Tanging sa mga political rallies ka lamang makakakita ng mga cultural performances gaya ng katutubong sayaw, lokal na pagsasadula, on-the-spot na pagguhit ng mga taga-supporta at kung anu-ano pang pakulo na nagpapamalas ng angking talento ng bawat mga taga-supporta ni Robredo.

 

Sa bawa’t kanto ng isang bayan ay may makikita kang iba’t ibang klaseng mural na pininta ng iba’t ibang artists sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Maaaninag sa kanila ang paniniwala na kung ang mga pulitikong ihahalal natin ngayong eleksyon ay matapat, aangat ang buhay ng lahat.

 

Sinabi na ni Robredo noon na wala siyang pondo upang maglunsad ng isang malawakang kampanya. Maswerte raw siya at marami ang tumugon sa kanyang panawagan na tulungan siya na baguhin ang systema ng gobyerno na tutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino.

 

Mahirap man or mayaman, babae man o lalaki o iba ang kasarian, makikita mo na ang bawat supporters ni Robredo ay tumataya para sa kanilang kinabukasan.

 

Karamihan sa mga supporters ay abunado pa nga raw dahil sa pagpapa-print ng sarili nilang mga posters at merchandise na ibinibigay sa mga tao.

 

Sa unang pagkakataon mo rin makikita ang pagsasama ng mga malalaking artista, social media influencers, sikat na atleta sa Pilipinas upang magbigay ng libreng serbisyo at tumulong sa pagpaparating ng mensahe ni VP Leni ukol sa tunay na pagkakaisa at pagbabago sa bansa.

 

Kasama rito sila Vice Ganda, Coach Yeng Guiao, Jennylyn Mercado, Andrea Brillantes, Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Nadine Lustre, at marami pang iba.

 

Dapat naman talaga ang taong-bayan ang namumuhunan at maging involved sa kampanya upang ang mga karapat-dapat na mga lider ang mamumuno sa bansa.

 

Kung ang bawat isa sa atin ang tataya sa kinabukasan ng ating bansa, walang lider ang magiging puppet ng sarili nilang partido, kaalyado, at mga oligarchs na mga may pansariling interes.

 

Kung si Robredo ang papalarin na mananalong pangulo, sigurado raw tayo na sa taong-bayan siya tatanaw ng utang na loob at hindi kung kanino mang pulitiko o businessman.

 

Ito’y dahil ang mga supporters daw niya ang tunay na MVP ng kampanyang Robredo!