Advertisers
HANDANG-HANDA na ang pamahalaan para sa gaganaping local at national election ngayong araw, May 9.
Magsisimula ang oras ng botohan mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na extendable pa ang 7 p.m. deadline ng pagboto basta may nakapila.
Ayon kay Comelec Spokesperson James B. Jimenez, ang mga botante na nakapila para bumoto sa may 30 metro mula sa polling precincts ay papayagang bumoto pa rin.
Mahigpit parin ipatutupad sa mga presinto o voting precinct ang minimum health and safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Hindi na kailangan ang face shield, vaccination card at negative result ng antigen o RT-PCR test para makaboto. Ang kailangan lamang ay magsuot ng face mask at tiyakin na nakarehistro sa lugar na pupuntahan.
Nabanggit ng poll body na kahit na ang mga hindi nabakunahang botante ay papayagang bumoto, na idiniin na ang karapatang bumoto ay isang karapatan sa konstitusyon.
Bagaman hindi bawal magdala ng cellphone sa presinto, bawal itong gamitin sa loob kahit pa sa “selfie” lang sa pagboto.
Ipinagbawal ang paggamit ng cellphone sa presinto dahil maaari umano itong magamit sa vote buying o vote selling, ayon sa Comelec.
Samantala, kabuuang 756,083 poll workers ang itinalaga para i-monitor ang pagsasagawa ng May 9, 2022 elections ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay DepEd Undersecretary Alain Pascua, nasa 90% ng 647,812 sa kabuuang bilang ay mga tauhan mula sa departamento.
Sa mga tauhan ng DepEd, sinabi ni Pascua na 319,317 ang electoral boards (EB); 200,627 EB support staff; 38,989 DepEd supervisor officials; (DESO); 87,162 DESO support staff; at 1,717 board of canvassers.
Ang mga poll worker na ito ay deputized ng Commission on Elections.
Kaugnay nito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Vicente Danao Jr., na nasa 225,000 pwersa ng kapulisan ang idineploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa para tiyaking magiging malinis at patas ang eleksyon.
Habang naka-full alert na ang mga tauhan ng AFP kasama ang kanilang naval at air assets gayundin ang PCG.
Samantala, ipinangako naman ni Chairperson Saidamen Pangarungan na makasisiguro ang publiko na poprotektahan nila ang kasagraduhan ng boto ng bawat Pilipino sa bansa.