Advertisers

Advertisers

Bong Go: COVID-19 kahit tapos na, patuloy na mag-ingat IT’S OVER!

0 112

Advertisers

KAHIT idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang pagwawakas ng COVID-19 bilang “global health emergency”, nagpaalala pa rin si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na patuloy na sundin ang safety health protocols at maging maingat anumang oras.

Kasabay ng pagdiriwang ng National Health Workers Day nitong Mayo 7, pinasalamatan ni Go ang lahat ng medical frontliners na nagsilbi at nagsakripisyo upang mailigtas ang buhay ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya.

“Ang dapat nating pasalamatan ay ang ating mga frontliners. Hindi natin mararating ngayon ang lahat kung hindi dahil sa ating frontliners — mga doktor, medtech, nurses, lahat down to hospital utility, salamat sa inyong sakripisyo lalo na noong panahon ng pandemya,” ani Go.



Noong Biyernes, binigyang-diin ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pagbaba ng pagkamatay at pagkakaospital na may kaugnayan sa COVID-19.

“It is therefore with great hope that I declare COVID-19 over as a global health emergency,” ani Ghebreyesus.



Magpupulong ang Department of Health at mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang suriing muli ang mga alituntunin sa COVID-19 ng bansa.

Sinabi ni Go na bagaman welcome development ito, dapat manatiling responsable ang lahat upang maiwasan ang pagkalat muli ng virus.



“The lifting of the global public health emergency status by WHO does not mean that we can let our guard down. Habang pinag-uusapan pa ng ating mga health officials ang kailangan nating gawin, let us remain adherent to the basic health protocols,” idiniin ni Go.

Binigyang-diin ng senador na mahalaga pa rin ang pagsusuot ng face mask sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 kaya hinihikayat niya ang lahat na magsuot nito kahit hindi mandatoryo sa tuwing makikihalubilo sa publiko.

“Kung hindi naman sagabal… mag-face mask pa rin tayo,” anang mambabatas.

Muli rin siyang nanawagan sa mga karapat-dapat na magpabakuna laban sa COVID-19 sa pagsasabing ang benepisyo ng pagbabakuna ay mas malaki kaysa sa mga panganib.

“Importante po, magbakuna tayo at kung qualified na po kayo sa pagpapa-booster, magpa-booster na tayo dahil ‘yan po ang susi para makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay. Kung bakunado, mas protektado po ang ating buhay,” iginiit ng senador.