Advertisers
POSIBLENG sangkot ang isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagtakas ni Alice Guo sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation base sa intelligence community.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), tinanong ni Senador Risa Hontiveros ang mga ahensya ng gobyerno tungkol sa mga bagong detalye sa lihim na pagtakas ni Guo sa Pilipinas noong Hulyo.
“May pinag-uusapan sa border immigration, hindi ko lang alam ang exact amount [ng bribe], including PNP official [na involved]. Hindi ko lang ma-confirm,” wika ni Pagcor’s Security Monitoring Cluster head Raul Villanueva, isang retired military officer.
Tinanong ni Hontiveros kung mayroong partikular na unit ng PNP na nagpadali sa pagtakas ni Guo, sinabi ni Villanueva kasabay ng pagbabanggit ng intel na, “sila ay PNP personalities”.
“Hindi PNP unit but personalities. I think it was mentioned… a former Chief, PNP,” wika ni Villanueva.
Nilinaw din ni Villanueva na hindi pa nabeberi-pika ang mga intelligence report ngunit ang hindi pinangalanang dating PNP chief ay nasa buwanang payroll umano ni Guo noon pa.
“Hindi ko din ma-ascertain ‘yan, Ma’am, kung kanino galing ‘yung report, Ma’am. It’s just parang rumors lang within the intelligence community. I think they are validating it right now. I even went to NICA last week, but there’s no information about it, Ma’am,” dagdag pa ni Villanueva.
Inihayag naman ng kinatawan ng PNP sa pagdinig na hindi nila narinig ang naturang intel report.
“‘Yung aming intelligence community ay tuloy-tuloy po ang pag-coordinate sa ibang agencies,” saad ni Police Brig. Gen. Raul Tacaca.
Matatandaang inamin ni Guo na lumabas siya ng Pilipinas unang bahagi ng Hulyo sa gitna ng “pagbabanta” ng mga indibidwal na ayaw niyang pangalanan. (Mylene Alfonso)