Advertisers
NASAWI ang tatlo katao, kabilang ang salarin, sa insidente ng pamamaril sa Santa Rosa City, Laguna nitong Linggo ng umaga, Agosto 31.
Ayon sa Santa Rosa City Police, 8:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Aris Drive, Olympia Subdivision, Barangay Labas.
Kinilala ni Laguna Police Acting Provincial Director, Colonel Jonar Yupio, ang sa-larin na si alyas Nestor, residente ng Santa Rosa City.
Base sa inisyal na imbistigasyon, habang nakatayo ang isang biktima na si alyas Victor, residente din sa lugar, nang dumating ang gunman at kaagad itong pinutukan ng kalibre .38 revolver.
Nakita ng pangalawang biktima na kinilalang si alyas Dexter at residente din ng lugar, kaya agad niya itong inawat nguni’t agad din siyang pinaputukan ng gunman, at tinamaan sa ulo na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Tatakas pa sana ang unang biktima na hindi agad napuruhan, pero hinabol uli ito ng gunman at pinaputukan pa ng dalawang beses.
Agad nagresponde ang mga pulis, subali’t nakipaglaban ang gunman, sanhi ng kanyang pagkasawi.
Isinugod ang unang biktima at ang salarin sa Santa Rosa Community Hospital pero idineklarang dead on arrival.
Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat na ang gunman na si alyas Nestor ay may matagal nang galit kay alyas Victor.(Koi Laura)