Advertisers
Ni Anne Venancio
TINULDUKAN na ng aktres na si AJ Raval ang tungkol sa kanyang pagiging ina.
Sa eksklusibong interbyu nito sa ‘Fast Talk With Boy Abunda’ noong Nobyembre 12, matapang na inamin ni AJ na lima na ang anak niya at 3 dito ay kay Aljur Abrenica na mismong si Kuya Boy ay nagulat sa naging rebelasyon ng aktres.
Ayon kay AJ, ang panganay niyang si Ariana ay 7 yrs old. Naiyak naman ito bago banggitin ang pangalan ng pangalawang anak na si Aaron dahil angel na ito ngayon at namatay noong 1 taon pa lamang. Ang mga ito ay anak ng aktres sa una nitong karelasyon na non-showbiz. Panganay naman nila ni Aljur si Alkina na 3 yrs old na sa Nobyembre 18, Aljur Jr., na 1 yr old at ang bunsong si Abraham ay ipinanganak niya noong Setyembre 3 kasabay ng kanyang birthday.
Naiyak ang aktres nang sabihin na napagdesisyunan niyang umamin para sa “freedom” ng kanyang mga anak.
“Tito Boy, para magkaroon na ng freedom ang mga kids at pinag-isipan ko ito nang husto,” ani AJ. “Makakapag-mall na kami mamaya,” aniya naman sa interbyu sa kanya ni Jojo Gabinete ng PEP.PH
At kung kilala ba ng mga bata ang mga anak ni Aljur kay Kylie, ani AJ….’Yes po. Naglalaro po sila lagi. Yung panganay ni Aljur, si Alas, very responsible sa mga bunso.”
Sa Fast Talk, natanong din si AJ kung ano ang pipiliin niya? Love o career, aniya, LOVE. Feel umano nito na maging hot mama. Kung abs ba ni Aljur or arms, both ang pinili niya. Titig or birit ni Aljur, pinili nito ang birit na aniya’y, sexy daw si Aljur kapag bumibirit. Parehong mahigpit at istrikto raw sina Aljur at Jeric. Para sa kanya, mas gwapo umano ang kanyang tatay Jeric pero mainit ang ulo niya kapag wala si Aljur.
At kung paano nagsimula ang relasyon nina AJ at Aljur.
Kwento ng aktres, “Nagsimula ito sa shooting ng Vivamax movie na ‘Nerissa’ that was June 2022. Sorry Aljur, kwento ko na po. Magkapatid ang role namin. Tapos nagtataka ako, hindi kami nag-uusap ni Aljur. Kapag nagso-shooting kasi, ang dala ko lagi ay box, nagtataka ako laging may bulaklak sa loob. Hindi ko po alam san galing. Kasi diba po pag sa province, may mga fans na nagbibigay ng food. Akala ko ganun lang po. And then, nung last day namin, kumatok po siya sa room ko. Pagbukas ko, si Aljur, may dala po siyang rose na pinitas lang somewhere.”
Giniit ni AJ na hindi nagsalita si Aljur pagkabigay ng bulaklak. Matagal na panahon pa bago nauwi sa ligawan.
At kung paano ulit sila nag-usap? Ani AJ, ‘Yung grupo po namin na ‘Nerissa’ movie, nag-meet, nag-usap-usap, nagsama-sama po kami. And then, pinupuntahan na niya po yung tatay ko, yung nanay ko, kinakausap na po niya.’
Paano sinabi ni Aljur na nanliligaw siya? ‘Nung pinupuntahan na niya po ako. Kasi manggaling pa siya sa Batangas. Babyahe pa siya ng Pampanga.”
Nang tanungin ito ni Kuya Boy kung may crush din ba siya kay Aljur? Ani AJ, ‘Nung nagbibigay po siya ng rose, ‘di po kasi ako feelingera, assumera na ay….gusto ako nito, so pina-process ko pa sa isip ko na..anong trip nito?”
Ano ang feeling niya nung malaman niya na nanliligaw na si Aljur, sasagutin ba niya gayung may mga anak na ito?
“Ah Tito Boy, wala naman akong judgement.” Nang biruin ito na na-cute-an ito kay Aljur, aniya, ‘Yes Tito Boy, sobrang pogi ni Aljur. Maliit ang face. Actually Tito Boy, magkamukha kami sa personal.”
At nang tanungin ang aktres ni Kuya Boy kung darating ang araw na mapapanood ng kanyang mga anak ang interbyu niya, ano ang gusto niyang sabihin? Naiyak si AJ nang sabihin na…”Maging mabuti silang bata Tito Boy, ‘wag silang gagaya sa akin.” Tanging pangarap niya para sa mga anak ay magkaroon ng malayang buhay.
Aminado si AJ na mahirap ang maging isang young mom, pero sa tulong at suporta ng kanyang pamilya, kinaya niya.
Nabanggit din ng aktres na gusto niyang bumalik sa showbiz. ‘Gusto ko po talagang umakting,’ pag-amin nito.
Sinabi naman ng ama ni AJ na si Jeric Raval na muntik nang mag-back out ang kanyang anak sa interbyu dahil kinakabahan ito pero todo umano ang suporta niya para hindi na kailangang itago pa ang kanyang mga apo.
“Wala namang masama sa totoo,” sey ni Jeric.
Samantala, hindi man pinangalanan, gets na agad ng mga netizens na tungkol kay AJ ang naging post ni Kylie Padilla sa Facebook nito na aniya’y, “matagal ko na pong alam pero syempre, inuna po namin ang kapakanan ng mga bata. Sobrang close sila at yun ang pinakaimportante. Happy that now di na kailangan magtago. Proud of you. Peace all around. Sana matapos na drama.”
Dalawa nga ang naging anak nina Kylie at Aljur na sina Alas Joaquin at Axl Romeo.
Mukhang taliwas ito sa alam ng publiko na hindi okey sina Kylie, Aljur at AJ. Wala rin umanong katotohanan ang mga paratang na si AJ ang naging dahilan ng hiwalayan ng mag-asawa dahil hiwalay na ang mga ito bago pa man pumasok sa eksena.