Advertisers
MATAPOS ang isang dekadang paulit-ulit na pagsubok at hindi pagsuko, pumasa rin sa Licensure Examination for Teachers (LET) ang isang guro mula Tagaytay City sa kanyang ika-17 pagsubok.
Unang sumabak sa LET ang 35-anyos na si Roland John Visco noong 2015. Sa kabila ng sunod-sunod na pagkabigo, partikular sa bahagi ng MAPEH sa pagsusulit, nanatili siyang matatag sa hangaring maging lisensyadong guro.
“Noong 2015, nagsimula akong sumubok sa LET, at sa kabuuan, labimpitong beses akong kumuha ng pagsusulit—at sa wakas, dito ko natupad ang aking pangarap na maging isang Licensed Professional Teacher,” ani Visco sa The Summit Express.
Sa gitna ng mga responsibilidad sa trabaho at pamilya, umasa si Visco sa sariling disiplina, self-review, at aktuwal na karanasan sa pagtuturo upang ipagpatuloy ang kanyang paghahanda.
Nagtapos siya sa Cavite State University Main Campus ng kursong Sports and Recreational Management, na pinili niya dahil sa hilig niya sa sports at pagnanais niyang gawin itong propesyon.
Kasalukuyan siyang physical education instructor sa City College of Tagaytay, isa ring asawa, at ama ng dalawang anak.
“Fall down 16 times, stand up 17 times. Isang patunay na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng pagkabigo, kundi sa bilang ng beses na tayo’y bumabangon at patuloy na lumalaban,” dagdag pa niya.
“To those who are dreaming of passing the board exam, don’t fear failure,” aniya pa.