Advertisers

Advertisers

KAMOTE, KESO, BACON, MANGO LUMUTANG SA CONFI FUNDS NI VP SARA!

0 4

Advertisers

HINDI bababa sa 23 kakaibang pangalan—ang ilan ay kahawig ng pangalan ng mga personalidad at ang iba ay tumutukoy sa mga pagkain—ang lumitaw sa piling acknowledgment receipts na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) bilang suporta sa paggastos nito ng confidential funds noong 2023.

Kinumpirma ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Mae Del Campo sa Senate Impeachment Court na bahagi ng mga dokumentong ipinakita ng prosekusyon ang mga resibong isinumite ng OVP sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) bilang tugon sa mga obserbasyon sa audit.

“During the evaluation po, I tabulated ang acknowledgment receipts based sa date kung kailan sila na-execute, the expense and the amount po,” patotoo ni Del Campo.

Para sa unang dalawang quarter ng 2023, sinabi ng prosekusyon na sakop ng tala ni Del Campo ang 1,049 acknowledgment receipts—519 para sa unang quarter at 530 para sa ikalawang quarter.

Kabilang sa mga piling resibo ang mga pangalang Pia Piattos-Lim, Ralph Josh Bacon, Anne Ongpauco, Heart Santiago, Feonna Villegas, Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Jose Diokno Jr., Diane Maple Lapid at John A. Lapid Jr.

Batay sa mga dokumentong ipinakita sa korte, kabilang sa nakatalang gastusin ang P140,000 kay Piattos-Lim para sa pagbili ng impormasyon, P150,000 kay Bacon para sa kaparehong layunin, P250,000 kay Santiago para sa supplies, at P500,000 kay Villegas para sa gastusing tinukoy bilang medical at food aid.

Para naman sa ikatlong quarter, mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, lumitaw ang mga pangalang Beverly Claire Pampano, Matthew N. Keso, Nova Santos, Salah Casim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Kokoy Villamin, “Contis, Connor Adrian,” Honeylet Camille Sy, Kristine Applegate Estrada at Denise Tanya Escudero.

Kabilang sa mga kaukulang resibo ang P250,000 kay Keso, P200,000 kay Kamote, P50,000 kay Mango at P120,000 kay Escudero. Nakasaad na layunin ng mga gastusin ang pagbili ng impormasyon o supplies at reward payments.

Nilinaw ni Del Campo na nagsagawa ang ICFAO ng compliance audit at hindi nito bineripika kung tunay na umiiral ang mga nakapangalan sa resibo o kung may kaugnayan ang mga ito sa mga personalidad na may kahalintulad na pangalan.

“Sa ICFAO po kasi ang ginagawa namin is compliance audit po,” ani Del Campo. “Tinitingnan po namin kung compliant ba sa Joint Circular at kumpleto at proper ba ’yung mga liquidation documents.”

Inihiwalay din ng auditor ang isang gastusing pinapayagan sa isang transaksiyong may sapat na dokumentaryong suporta.

Tungkol sa pagbili ng impormasyon, sinabi niya: “Yes po, under 4.8.1 po, kasama po ang purchase of information.”

Ngunit para sa supplies, sinabi ni Del Campo na hindi napatunayan ng acknowledgment receipts kungsaan binili ang mga item o kung paano ginamit ang mga ito.

“Yung mga acknowledgment receipts po na purchase of supplies, hiningan ko po ng additional documentation to ascertain po na ipinambili po talaga ito ng supplies,” patotoo niya.

Nagsumite rin ang OVP ng April 4, 2024 certification na pirmado ni Colonel Raymund Dante P. Lachica, gayundin ng Protective Intelligence Operations Reports bilang suporta sa mga reward payment.

Tinutukoy sa certification ang surveillance at information-gathering sa 127 lugar noong unang quarter at 111 lugar noong ikalawang quarter.

Ayon kay Del Campo, nakasaad sa mga ulat ang mga aktibidad ng Bise Presidente, mga posibleng banta at operational timelines, ngunit hindi ipinakita ang partikular na resulta na kinakailangan upang bigyang-katwiran ang pagbabayad ng reward.

“Hindi ko po nakita ’yung particular accomplishments po na magwa-warrant sa payment of rewards,” aniya.

“Ang nakalagay lang sa certification is a general statement that there were no untoward incidents,” dagdag ni Del Campo. “Pero hindi po ito naging sapat.”

Para sa ikatlong quarter, tinukoy ni Del Campo ang apat na isyung binanggit sa Aug. 8, 2024 Audit Observation Memorandum: kawalan ng dokumentaryong patunay ng pagbabayad, P35 milyong reward na walang patunay ng matagumpay na information-gathering o surveillance, hindi tinukoy na confidential activities sa physical at financial plan, at hindi pirmadong bahagi ng resibo sa disbursement voucher.

Sa naunang pagdinig ng Senate impeachment court, tumanggi ang abogado ng depensa na tahasang sabihin kung ang mga kontrobersiyal na pangalan na naunang lumitaw, kabilang si Mary Grace Piattos, ay tunay na mga indibidwal o mga alyas lamang.