Advertisers
- Ni Anne Venancio
Nagbahagi si Janine Gutierrez ng kanyang pananaw tungkol sa pag-ibig, relasyon at pagmamahal sa sarili sa panayam niya sa “Push It.”
Binalikan din ng aktres ang ilan sa kanyang mga unang crush noong bata pa siya, kabilang ang aktor na si Eric Quizon at si Pasig City Mayor Vico Sotto, na naging kaklase niya noong preschool.
Aminado si Janine na nagiging mahiyain at awkward siya kapag kaharap ang kanyang crush kaya hindi siya sanay na unang gumagawa ng hakbang.
Sa isang relasyon, sinabi niyang mahalaga para sa kanya ang pagkakaroon ng partner na mabait, nakakatawa, responsable, maalaga at mapagkakatiwalaan.
Nagbago rin umano ang kanyang pananaw sa pag-ibig habang siya ay nagkakaedad. Para sa kanya, hindi sapat ang pagmamahalan kung magkaiba naman ang direksyon at mga layunin ng dalawang tao.
“Even if you love someone, kung iba kayo ng gusto sa buhay, iba kayo ng tinatahak na landas, it’s still not gonna work out kahit mahal n’yo ang isa’t isa,” ani Janine.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng self-love at ang hindi pagtitiis sa relasyong nagdudulot ng paulit-ulit na sakit.
Para naman sa mga dumaraan sa heartbreak, payo ni Janine na huwag madaliin ang proseso ng paghilom.
“Mahabang proseso ’yan, just be easy on yourself. Feel your feelings,” aniya.
Samantala, mapapanood si Janine kasama si Jericho Rosales sa “The Loyalty Game,” na streaming sa Prime Video.